Advertisers
NAGHASIK ng takot ang malakas na pagsabog nang tumagas ang ammonia sa isang planta sa Navotas city.
Kinilala ang nasawi na si Gilbert Tiangco, trabahador ng TP Marcelo Ice Plant and Cold Storage.
Ayon sa ulat, 4:19 ng hapon nitong Huwebes ng mag-leak ang tangke na naglalaman ng ammonia mula sa TP Marcelo Ice Plant and Cold Storage sa North Bay Blvd.
Agad namang nagpadala si Mayor Toby Tiangco ng mga kagawad mula sa Bureau of Fire Protection, ambulansya, responders mula sa Rescue Team at iba pa.
Agad namang isinugod sa pagamutan ang 61 katao na nakaramdam ng pagkahilo kabilang ang ilang bata, trabahador at senior citizen.
Ayon sa mga bystanders, kailangang butasin ang isang pader upang mapasok at matiyak na hindi maghasik pa ng mas malalang perwisyo na posibleng lumikha ng sunog.
“Ayon sa ating City Disaster Risk Reduction and Management Office, humupa na po ang amoy ng ammonia na dulot ng leak sa TP Marcelo Ice Plant and Cold Storage. Umabot sa 61 po ang mga pasyenteng dinala natin sa ospital at isa sa kanila ang binawian ng buhay. Meron din pong mga residente na dumiretso na sa ospital. Kasalukuyan pa po nating biniberipika ang datos nito,” pahayag ni Mayor Toby.
Ayon pa kay Tiangco, nasarado na ang valve na nag-leak at hinihintay na lamang na humupa ang amoy ng ammonia. Tinatayang aabot ng 2-3 oras bago pa humupa ang amoy sa lugar at nananatili ang first aid station sa area para sa mga nangangailangan ng dagliang tulong medikal.
“Nagpapasalamat po tayo sa lahat ng mga tumulong, lalo na ang ating mga volunteers at mga kapit-lungsod na nagpadala ng mga ambulansya at fire truck. Manatili po tayong maingat,” wika pa ni Mayor Toby Tiangco.(Beth Samson)