Advertisers
Ni BKC
MAS mabibigat na hamon at mas maigting na kumpetisyon ang nag-aabang sa singers na lalaban sa “Tawag ng Tanghalan” dahil sa bagong mechanics na susundin sa ikalimang taon ng kumpetisyon simula ngayong linggo sa “It’s Showtime.”
Kada Lunes, apat na contestants ang magtatagisan at ang dalawang makakakuha ng pinakamataas na scores mula sa mga hurado ang magmamay-ari sa dalawang “spotlight” at aabante sa susunod na araw.
Tuluyan namang magpapaalam na sa kumpetisyon ang dalawang may pinakamababang scores.
Mula Martes hanggang Biyernes naman, dalawang panibagong kalahok ang papasok at maglalaban sa unang round. Ang contestant na may mas mataas na score sa kanilang dalawa ang uusad sa ikalawang round para hamunin ang dalawang spotlight holders sa isang three-way battle.
Matinding bakbakan din ang dapat na abangan tuwing Sabado dahil ang dalawang contestants na nagmamay-ari sa spotlight ang magtutunggali sa dalawang rounds para makuha ang mas mataas na hurado score at tanghaling weekly winner.
Kada araw naman, makatatanggap ng tig-P10,000 bilang premyo ang contestants na may pinakamataas na scores.
Samantala, pwede ring maging hurado at manalo ng papremyo ang viewers sa kanilang mga bahay sa pamamagitan ng pagpo-post sa Twitter o Facebook ng comment gamit ang official hashtag of the day kasama ang pangalan ng “Tawag ng Tanghalan” contestant na sa tingin nila ay makapapasok sa top two. Isang maswerteng viewer naman ang pipiliin kada araw at magwawagi ng P5,000.