Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
ANG FPJ’s Ang Probinsyano ang itinuturing na isa sa longest running teleseryes sa kasaysayan ng telebisyon.
Naging bahagi na ito ng tahanan ng bawat pamilyang Pilipino.
Sa TV series na ito, naging bukambibig sina Carlo Dalisay, Alyanna, Lola Flora at iba pang mga karakter na nagmarka sa kamalayan ng viewers.
Kamakailan, maraming suki ng programa ang nagulantang sa balitang magpapaalam na ang seryeng minahal ng masa.
May ulat kasing naisulat sa isang broadsheet na hanggang Abril na lamang ang programa ni Coco Martin.
Sey pa nga ng report, alam na raw ito ng cast at mga taong involved sa produksyon sa Dreamscape.
Sa pagkalat ng balita, agad namang pinabulaanan ito ng ABS-CBN.
Ayon nga kay Kane Errol Choa, head ng ABS-CBN Corporate Communications, maglalabas pa raw sila ng opisyal na pahayag tungkol dito.
Nabanggit naman ng kolumnistang si Ricky Lo na extended pa hanggang July 2021 ang nasabing action-drama series.
Mahigit limang taon nang umeere ang naturang TV series na base sa classic movie ni Fernando Poe Jr. na may parehong pamagat.
Una nang nabalita noong magwawakas ang FPJAP noong 2018 na tila nagpahiwatig noon si Coco sa pagtatapos ng kanyang programa base sa ulat ng ABS-CBN pero sa kung anong kadahilanan ay hindi naman ito natuloy.
***
Francine Diaz mananatiling Kapamilya
Nag-renew ng kontrata ang Kapamilya actress na si Francine Diaz kamakailan.
Aminado si Francine na noong nagsara ang Dos, may mga nag-offer sa kanya na mag-ober da bakod sa ibang networks.
Pero sa kabila ng lahat, pinili raw niyang manatili bilang isang Kapamilya.
“Ito ang tahanan ko,”ani Francine.“May mga nag-offer po pero choice ko rin na mag-stay dito kasi para po sa ‘kin pamilya ko na po ito e. Hindi lang siya basta company or network. “Hindi porke’t mataas ang ABS dito ako mag-stay. Nag-stay po ko dahil ito ‘yung family ko,” dugtong niya.
Si Francine ay bahagi ng original Gold Squad na kinabibilangan nina Andrea Brillantes, Kyle Echarri at Seth Fedelin.
Siya ay bahagi ng bagong Kapamilya series na “Huwag Kang Mangamba”na mapapanood na ngayong Marso.