Advertisers
Ni WALLY PERALTA
BALIK-telebisyon ang byuti ni Cristine Reyes via the teleserye na “Encounter” na remake ng isang 2018 Korean series hit na pinagbidahan nina Song Hye Kyo and Park Bo Gum.
Ang naturang Koreanobela ay pinalabas sa Kapamilya Network noong 2019. At ang Pinoy adaptation na ito ng Viva Production ay hindi mapapanood sa ABS-CBN kundi sa TV5 and Cignal Entertainment.
Sa nasabing serye ay bago ang leading man ni Cristine. Kung dati sa Kapamilya network ay binibigyan si Cristine ng mga leading man na nauna sa kanya sa showbiz at mga big stars na rin pero sa “Encounter” ay mas bata ang kanyang leading man, si Diego Loyzaga.
Ano naman kaya ang say ni Cristine sa kanyang bagong kapareha?
“We first met sa engagement party ng Ate Ara Mina ko. He was introduced to me by his mom, Teresa Loyzaga. I found him very charming. Tapos, heto, magkatrabaho na kami sa ‘Encounter’. He’s my first screen partner that I’m very nice to. Kasi sa iba, I’m very maldita,” saad ni Cristine.
Naging kapuna-puna nga ang pagbabago sa working attitude ni Cristine, mas naging propesyonal ang aktres ngayon, as in nag-mellow sa pagiging pasaway.
‘Ika nga ng mga nakapaligid kay Cristine, mas matured na ito ngayon. May naghihinalang pinagbago raw ang aktres ng isang bagong pag-ibig pagkatapos ng ilang taon na rin na magkahiwalay sila ng asawang si Ali Kathibi.
Say ni Cristine, in love siya hindi sa tao kundi sa kanyang work at siyempre pa sa anak nila ni Ali.
***
NAGING libangan na ng hunk actor na si Gardo Versoza, isa sa cast ng bagong serye ng GMA-7, ang “First Yaya,” na pinagbibidahan nina Gabby Concepcion at Sanya Lopez, ang pagti-TikTok.
Sa katunayan pa nga ay marami na siyang followers at may gamit pa siyang name na Cupcake na inamin ni Gardo na nakuha niya sa isang teleserye ng GMA-7, ang “Kung Mahawi Man Ang Ulap”.
Nagsimulang mag-TikTok si Gardo noong nagkaroon ng pandemic sa bansa. At bilang bonding nilang mag-asawa ay nag-join si Gardo sa kanyang misis na naaliw na noon na mag-TikTok at may hakot na rin na mga followers.
Bading na bading ang mga moves ni Gardo sa kanyang mga TikTok video na kinaaaliwan naman ng mga netizen kaya nag-level-up si Gardo sa pagsusuot ng mga high-heeled shoes.
“Palagay ko babae ako sa past life e,” patawang sabi ni Gardo.