Advertisers
Ni ARHIE LIAO
SA vlog ni Vice Ganda, naging panauhin ang kanyang mahal na inang si Nanay Rosario.
Ito ay sa episode na ‘Happy Chikahan and Lutu-Lutuan with Nanay’.
Sa ikalawang bahagi ng vlog, napag-usapan nila iyong panahong nagtrabaho si Nanay Rosario abroad.
Sey ni Vice, hindi raw niya maintindihan noon kung bakit kailangang iwan siya ng ina noong bata pa siya para makipagsapalaran sa ibang bansa.
Nangilid naman ang luha ng ina habang inaalala ang nakaraan.
“Hindi ko talaga intensyon yun anak. Pero kasi, nung buhay pa ang tatay mo, talagang gusto kong makarating sa Amerika para makatulong sa income,” paliwanag niya.
Hindi man nanunumbat, tinanong ni Vice ang ina kung naisip ba nitong walang mag-aalaga sa kanya noong panahong iwan siya nito.
“Hindi mo ba naisip na pag umalis ka, walang mag-aalaga sakin?” hirit ni Vice.
Ani Nanay Rosario, nalungkot daw siya sa kanyang naging desisyon pero kailangan din niyang isipin ang pangangailangan ng pamilya nila noon.
“Ano naman yun part na pinagsisihan mo?,” tanong ni Vice.
“Yung hindi ko nakita, dahil ikaw ang pinakamaliit, hindi ko nakita yung paglaki mo. Ikaw sa lahat ang hindi ko nasubaybayan lumaki. Yun ang regret ko, anak, to tell you the truth,” paliwanag ni Nanay Rosario.
Hindi naman itinago ni Vice na nagtampo siya sa ina noon.
“Alam mo ba nung habang lumalaki ako, masama ang loob ko sa inyo dati? Growing up, ang dami kong tanong. I didn’t understand,” ani Vice.
“Ba’t wala akong nanay? Matalino naman ako pero walang mag-a-award sakin sa school. Yung questions ko about my séxuality, hindi ko alam kanino ko i-eexplain. I was developing this anger towards you, not because I hated you, but because I did not understand,” dugtong ni Vice.
Pagbubunyag naman ni Nanay Rosario, mahirap man ang sitwasyon sa kanya noon, lagi raw naman niyang tsini-check ang kanyang mga anak noong panahong iyon. Katunayan, may mga panahong umabot daw sa $1,000 ang kanyang phone bill kada buwan dahil lamang sa kanyang overseas calls.
Sa huli, sinabi ng unkabogable star at It’s Showtime host kung bakit naiintindihan na niya ang ina.
“Alam mo dati nung hindi ko pa naiintindihan lahat, ang sama sama ng loob ko sayo tapos nagagalit ako sayo tas feeling ko ang hina mong tao. Ang hina ng nanay ko kasi nilamon siya ng kahinaan niya at nag-resulta yun sa pagiging ulila ko. Nag-resulta yun sa iniwan mo ko. Pero nung naintindihan ko lahat, nung naunawaan ko lahat, I became so proud of you,” pagtatapos niya.
Sa pagtatapos ng video, nag-exchange ng “I love you’s” äng dalawa sa isa’t isa.