Advertisers

Advertisers

SETHDREA AT KYCINE GAGABAYAN NI BRO SA MGA PAGSUBOK NG BUHAY SA ‘HUWAG KANG MANGAMBA’

0 297

Advertisers

Ni BKC

MAGBABALIK ang Bro na minahal ng mga Pilipino upang magbigay ng pag-asa at damayan ang mga nangangambang puso kasama sina Seth Fedelin, Kyle Echarri, Francine Diaz, at Andrea Brillantes sa pinakabagong inspirational series ng ABS-CBN Entertainment na “Huwag Kang Mangamba,” na mapapanood simula Marso 20 sa iWantTFC at Marso 22 naman sa Kapamilya Channel, TV5, A2Z, at Kapamilya Online Live.

Sa pamamagitan ng kwento ng dalawang bata na makararanas ng himala, layunin ng seryeng iparating sa mga manonood na hindi sila kailanman nag-iisa at sa iba-ibang paraan ipinakikita ni Bro ang pagmamahal Niya araw-araw.



Magbibigay-inspirasyon si Andrea bilang si Mira, isang bulag na batang ulila. Sa kabila ng kanyang sitwasyon, hindi siya nawawalan ng tiwala kay Bro at nananatiling positibo sa buhay. Si Joy (Francine) naman ay isang rebeldeng anak na nawalan ng pag-asa sa Diyos dahil pakiramdam niyang hindi siya mahal ng kanyang pamilya.

Pagtatagpuin sila ng isang malagim na aksidente na pareho nilang ikamamatay. Subalit dahil sa himala ni Bro, muli silang mabubuhay upang tuparin ang misyon na muling maipatayo ang simbahan sa bayan ng Hermoso at ibalik ang pananampalataya ng mga tao rito.

Habang susubukan nilang magkasundo, magiging hadlang sa kanilang misyon ang mga tao sa Hermoso dahil matagal na nilang tinalikuran si Bro dahil sa sunud-sunod na kamalasan sa bayan nila.

Ang tanging kakapitan na lang ng mga taga-Hermoso ay si Deborah (Eula Valdes), isang manggagamot na ipapapaniwala sa mga tao na siya ang may kagagawan ng himalang nangyari sa pamangkin niyang si Joy.

Magkakasundo kaya sina Mira at Joy para matupad ang misyon ni Bro? Paano nila makukumbinsi ang mga taga-Hermoso na may Diyos kung hindi naniniwala ang isa sa kanila sa himala?



Bukod sa The Gold Squad, makakasama rin sa powerhouse cast sina Sylvia Sanchez, Nonie Buencamino, Mylene Dizon, RK Bagatsing, Dominic Ochoa, Diether Ocampo, Enchong Dee, Angeline Quinto, Matet De Leon, Soliman Cruz, Mercedes Cabral, Paolo Gumabao, at Alyanna Angeles.

Ang “Huwag Kang Mangamba” ay nilikha nina Rondel Lindayag at Danica Domingo, at mula sa direksyon nina Emmanuel Q. Palo, Jerry Lopez Sineneng, at Darnel Villaflor.

Inawit naman ni Angeline ang theme song ng serye na may parehong titulo at nilika ni Fr. Manoling V. Francisco, SJ.

Unang mapapanood ang “Huwag Kang Mangamba” ngayong Marso 20 sa iWantTFC app at website, at sa Marso 22 naman ng 8:40 PM pagkatapos ng “FPJ’s Ang Probinsyano” sa A2Z channel sa free TV at sa digital TV boxes gaya ng ABS-CBN TVplus.

***

“Me & Mrs. Cruz” episode, mapapanood nang libre sa Marso 26

PAULO BUBUKSAN MULI ANG PUSO NI INA SA ‘AMPALAYA CHRONICLES’ NG iWANTTFC

ISANG mapait na nakaraan ang magtatagpo kina Ina Raymundo at Paulo Angeles sa kwento nilang puno ng hugot sa iWantTFC original anthology series na “Ampalaya Chronicles,” na mapapanood nang libre sa Marso 26.

Pangatlong episode ang “Me & Mrs. Cruz” kasunod ng “Adik at “Labyu Hehe,” na mabubuo ang isang malalim na samahan sa pagitan nina Eva Cruz (Ina) at Caloy (Paulo) sa kabila ng kanilang 23-taon na age gap.

Si Caloy ay isang masiyahin at palabiro na delivery boy ng isang flower shop habang si Eva naman ay isang sosyal na babaeng mahilig gumimik para makalimutan ang lungkot sa pagkawala ng kanyang asawa.

Sa kabila ng kanilang pagkakaiba, nagkakapareho naman sila sa pinagdaanang mapait na pag-iibigan noon. Dito rin maaakit si Caloy sa pagka-misteryoso ni Eva at susubukan niyang pawiin ang lungkot nito.

Magtagumpay kaya si Caloy sa pagtulong kay Eva? Mauuwi nga ba sa pagmamahalan ang kanilang samahan?

Ang “Me & Mrs. Cruz” ay batay sa pyesa ni Jerome Dawis at kabilang din sa cast sina Kat Galang, Kristof Garcia, Mark Wei, JM Mendoza, Sophie Reyes, Nicki Morena, at Ms. Frances Makil-Ignacio.

Ang episode naman ay mula sa direksyon ni Real Florido, produksyon ng Firestarters Production, at isinulat ni Bridgette Ann Rebuca. Ang seryeng “Ampalaya Chronicles” ay base sa best-selling book at stage performances ng “spoken word” na “Ampalaya Monologues” ni Mark Ghosn.

Mapapanood nang libre sa buong mundo ang “Me & Mrs. Cruz,” kabilang na rin ang unang dalawang episode ng serye na “Adik” at “Labyu Hehe,” sa Marso 26 sa iWantTFC app (iOs at Android) o sa iwanttfc.com. Mapapanood din ang mga ito sa mas malaking screen dahil available na rin ang iWantTFC sa piling devices gaya ng VEWD, ROKU streaming devices, Android TV, piling Samsung Smart TV models, at Telstra TV para sa users sa labas ng Pilipinas. Available na rin ang iWantTFC via chromecast at airplay.