Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
SA zoom meeting ng storycon ng Nelia, buong kababaang-loob na sinabi ni Winwyn Marquez na marami pa siyang kailangang patunayan pagdating sa pag-arte.
Katunayan, kung ikinukumpara sa nanay niyang si Alma Moreno, milya-milya pa raw ang kanyang dapat matutunan.
Kami naman ng press colleagues ko ay naniniwalang mas may lalim ang akting ng Reyna Hispanoamericana beauty titlist pagdating sa pag-arte kumpara sa ina na mas nakilala sa mga bold movies.
Sa mga teleserye kasi niya ay napatunayan niyang very effective siyang kontrabida.
Kaya naman kapag ikinukumpara kay Ness at sa ama niyang si Tsong Joey Marquez, aminado siyang napre-pressure pa rin siya.
“Hindi mawawala ang pressure (na ikumpara ako to my parents) lalo na kay mama. Good thing I am open to them and I ask for their advice. Yung mama ko ginawa niya yung ‘Aswang,’ iba rin ang atake niya roon. Ipinagbubuntis niya ako noon. Magaling si mama mag-express lalo sa mata lang.
“Makita lang nila I have a different style. Nakakatulong din na maging kontrabida which my mom hindi siya gaanong nagkontrabida. Kung comparison naman, sa acting I try to get tips as I can from my mom lalo na sa mata. Siya pa rin ang mas magaling. I look up to her. Sa kanila ako natuto,” aniya.
Pagkatapos na magbida sa Unli Life at Time and Again, sasabak naman sa isang psychological thriller si Winwyn sa pelikulang Nelia.
Ani Winwyn, very challenging daw ang kanyang role dahil first time niyang gaganap bilang isang babaeng may multiple personalities.
“She’s very unpredictable. Antagonist ba siya? Protagonist ba? Very challenging sa akin ito na may konting horror and thriller. I just hope I give justice to the character. Ako ba talaga ang kukunin nilang actress? I was shocked. Noong binigay nila sa akin ito and when I read the last page sabi ko gusto ko ito pero hindi pa ako sure noon kung ako talaga ang kukunin nila. Never ko pa talaga ginawa ito,” pagbabahagi niya.
Mula sa A and Q Productions ni Atty. Aldwin Alegre, ang Nelia ay ididirehe ni Lester Dimaranan mula sa panulat ni Atty. Melanie Honey Quiño.
Kasama rin sa cast sina Vin Abrenica, Ali Forbes, Dexter Doria, Lloyd Samartino, Mon Confiado, Shido Roxas at Raymond Bagatsing.