Advertisers
BINIGYANG diin ng pamunuan ng simbahan ng Quiapo na mas ligtas ang pagbisita sa mga simbahan kaysa malls.
Ang pahayag ng Parochial vicar ng Quiapo Church na si Fr. Douglas Badong ay kasunod ng pagtutol ng gobyerno sa pagsasagawa ng mga aktibidad sa mga simbahan ngayong Holy Week.
Sinabi pa ng pari na napatunayan na ito noong Simbang Gabi at Pista ng Nazareno na napasunod ang mga tao sa ipinatutupad na health protocols.
Aniya, ang ispiritwal na ginagawa ay ibang aspeto at tinitiyak din naman aniya ng pamunuan ng bawat simbahan ang kaligtasan ng lahat.
Umapela si Fr. Badong sa gobyerno na pag-aralan ang sitwasyon bago magpatupad ng polisiya o patakaran.
Giit ng pari, dapat makita ng gobyerno ang kahalagahan ng ispiritwal kungsaan malaki ang naitutulong sa tao upang maingat ang kanilang morale sa gitna ng nararanasang paghihirap dahil sa pandemya.
Una nang iginiit ni Archdiocese of Manila, Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo na bukas parin ang mga simbahan na may 10% kapasidad sa kabila ng pagbabawal ng IATF na magsagawa ng pagtitipon sa sampu o higit pang indibidwal sa Metro Manila at apat pang kalapit probinsya simula Marso 24 hanggang April 4 upang mapababa ang kaso ng COVID-19.
Sa panig ni Fr. Jerome Secillano, CBCP public affairs committee executive secretary, plano aniya ng mga simbahan ng maglagay ng loudspeakers sa labas ng kanilang santuwaryo ngayong Holy Week.
Ayon kay Fr.Secillano, bagamat magsasagawa ng liturhiya dahil mahal na Araw ay hindi naman nangangahulogan na hinihikayat ang mga tao na pumasok sa simbahan.
Pero kung mayroon aniyang iilang tao na kumatok, ay hindi naman umano maaring sabihin na hindi sila maaring pumasok pero maari naman aniyang manatili na lamang sila sa labas. (Jocelyn Domenden)