Advertisers
MARAMING nagkuwestiyon sa kapalpakan ng sistema ng Department of Social Welfare and Development sa ginawa nitong pagbibigay ng SAP kelan lamang.
Isang kakilala ang nagkuwento na kung dati ay ibinigay ang cash sa mga beneficiaries, ngayon ang ginawa ay pinapila sila nang mahaba tapos binigyan lang ng stub para daw ma-claim nila ang SAP sa kahit anong MLuillier branches. Biyernes ‘yun.
Ang siste mo, matapos niyan ay umabot daw sa walong branch ng MLhuillier ang pinuntahan ng dismayadong tao sa loob ng dalawang araw dahil lahat, iisa ang sinasabi. “Cut-off na” daw.
Nakapagtataka kung bakit may cut-off na sinasabi, kung totoo man ito. Kasi, ang pera na dapat na nakalaan para sa mga benepisyaryo ng SAP ay ibinigay na sa MLhuillier at ang tangi nilang dapat gawin ay kunin ang stub, tignan ang mga papeles gaya ng ID at iba pang pagkakakilanlan ng tao at pagkatapos ay ibigay na ang pera.
Sa totoo lang, napakahalaga ng ayuda para sa mahihirap subalit mababawasan lang dahil sa gastos sa pamasahe ng tatanggap. Paano kung tuwing punta niya ay “cut-off na” ang sasabihin sa kanya? At paano malalaman nung tao kung totoong “ cut-off” na nga? At bakit nga dapat mag-cut off una sa lahat??
Sa totoo lang, mas naging maayos ang bigayan ng SAP nang ito ay ipahawak sa local government at sa mga barangay. Ibinigay ang SAP nang cash, kinunan ng video ang mga nag-claim at pinauwi na.
Sa gitna ng pandemya, lalo na sa mabilisang pagtaas ng mga kaso nitong mga nakaraang araw, talagang dun pa itinayming ng DSWD ang maling sistema sa pamimigay ng stub.
Isipin ninyo. Siyempre ayuda yan magkakagulo talaga ang mga tao. Kaya ayun. Nagdagsaan ang mga tao tapos ‘stub’ lang pala ang ibibigay.
Di pa yan. Pagdating sa MLhuiller, bubunuin na naman ng beneficiary ang makapal na tao na nagdagsaan din para nga kunin ang kanilang SAP. Masyado namang ginawang timawa ang mga tao.
Higit sa lahat, inexpose pa nila ang mga beneficiary sa COVID sa pamamagitan ng paghahalubilo nang dalawa o mahigit pang beses, dahil nga kailangang bumalik-balik ng MLhuillier na ang liliit ng tanggapan at kulob na kulob.
Eto pa ang aming balita na sana ay di totoo. May deadline pa nga ba kung hanggang kelan pupuwede makuha ang ayuda sa MLhuillier. Kung totoo, anong kalokohan ito?
Okay lang mag-deadline kung maghapon ang bigayan ng SAP at hindi ‘yung umaga pa lang sasabihin nang “cut-off na.”
Kaya nga binigyan ng ayuda ang mga beneficiaries nyan dahil wala silang pera. Tapos kailangan nilang gumastos ng pamasahe para magpabalik-balik ng MLhuillier.
Kapag tinatawagan namn daw ang branches ng MLhuiller para mag-inquire kung kelan ang deadline at iba pa, lahat ay walang sumasagot o kaya ay hindi ‘working’ ang number. Nagpadala daw ng tanong sa messenger , wa epek din.
Dapat ayusin ng DSWD ang kapalpakang ito. Amoy anomalya. Ano ‘yan? Parang ayaw ata ibigay lahat ng SAP. Sana lang, matakot naman sa karma kung sinuman ang may pakana ng “cut-off kuno na ‘ yan. Di kapani-paniwala.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon o impormasyon.