Advertisers

Advertisers

Singitan sa pila

0 927

Advertisers

HALOS ikasampu ng gabi, Miyerkules, Marso 24, 2021, biglang tumambad si Rodrigo Duterte sa telebisyon upang magbigay ng biglaang ulat. Kasama ang ilang kasapi sa Gabinete tulad ni Francisco Duque III at Delfin Lorenzana. Naka-hooked up mula sa iba’t-ibang lugar ang ibang opisyales. Nag-umpisa ang biglaang talakayan sa himpapawid ng ratratin ng sumpunging Duterte ang singitan sa pila ng mga tumanggap ng bakuna kontra Covid-19.

Kinilala ni Duterte ang mga kondisyon na ipapatupad ng kanyang gobyerno sa mga donasyon na bakuna mula sa Covax facility ng World Health Organization (WHO). Kailangan unang ibigay ang mga iyon sa front health care worker (HCW) kabilang ang mga doctor, nars, komadrona, nursing aide, orderly, lab technicians, at iba pang nagbibigay ng serbisyong medikal sa mga taong dinapuan ng karamdaman sanhi ng Covid-19.

Kung hindi matupad ang kondisyon, may kapangyarihan ang WHO na itigil ang donasyon. Hindi na darating ang susunod na bakuna na bahagi ng donasyon. Labis na kinakatakutan ito ni Duterte. Hindi pa naisasara ang mga kontrata sa bakuna na iniuulat na binibili ng national government sa iba’t-ibang kumpanya ng bakuna. Walang maipapakita si Duterte na bakuna maliban sa mga donasyon sa ilalim ng covax facility ng WHO.



Hindi malinaw ang mga singitan sa pila na sinasabi ni Duterte. May binanggit siya na anak ng artistana sumingit sa pila, ngunit hindi niya ibinunyag ang pangalana. Kahit hindi mga health care worker, sumingit sila at nilabag ang kundisyon ng donasyon. May inulat ang mga kaibigan netizen sa nangyaring singitan sa Maynila at mga anak ng artista ang sumingit. Mismong si Isko Moreno, alkalde ng Maynila, ang nagbigay ng order sa kanilang pagsingit.

Sa isang health center sa ikatlong distrito, hindi bababa sa 50 pulis – 30 sa unang grupo at 20 sa ikalawa – ang basta sumingit. Kumalat ito sa social media. Hindi kami magtaka kung nakarating ito sa Palasyo. Gayunpaman, kakaunti pa lang ang bakuna na naibigay sa atin bilang donasyon – at ayon kay Duque, nasa 1.7 milyon doses lamang. Magkahalong Sinovac at AstraZeneca.

Iniulat ni Duterte ang limang alkalde sa iba’t ibang siyudad at munisipyo ang naunang sumingit sa unahan. Dinagdagan pa niya ng apat na pangalan.Nanguna sa kanyang talaan si Tacloban City Mayor Alfred Romualdez. “Gray area” umano ang kanilang pagsingit sa pila, aniya. Binanggit ng tila bangag na si Duterte dahil palusot ng mga alkalde na sumingit sila sa pila upang ipakita sa kanilang mga nasasakupan na “ligtas ang bakuna.”

***

NAKAKATAWA ang biglang paglitaw ni Duterte sa telebisyon noong Miyerkoles ng gabi. Hindi ito ginagawa kahit sa kasagsagan ng sakuna at kalamidad. Nawawala si Duterte sa eksena. Hindi namin alam kung sinasadya ni Duterte ang hindi pagpapakita. Ngunit kapansin-pansin na ginawa niya ito habang matindi ang pagtuligsa sa kanya ditto at sa labas ng bansa tungkol sa mahigit na 200 barko na nakahimpil sa exclusive economic zone (EEZ) sa West Phillipine Sea.



May mga pananaw na kaya niya ginawa ang paglitaw sa TV ay upang iligaw ang atensyon ng mga bumabatikos sa China. Tinawag na bansang mapanuwag ang China dahil kinakamkam nito ang teritoryo ng ibansa bansa. Kinakamkam ng China ang halos kabuuan ng South China Sea sa ilalim ng huwad na teyoryang Nine-Dash Line. Maigi at ibinalibag ng Permanent Arbitral Commission ng UNCLOS ang teyorya dahil “kathang –isip” lang ito sa desisyon noong 2016.

Bahagi na ngayon ng international law ang desisyon. Ito ang pinanghahawakan ng Estados Unidos at ibang kaalyadong bansa sa pananatili ng kalayaan sa paglalayag sa South China Sea. Hindi makontrol ng China ang South China Sea dahil maraming bansa ang tutol sa ginagawa.

Ngunit kontrolado ng China si Duterte; siya ang kanilang kinatawan sa Filipinas. Itinuturing na maraming Filipino na kaaway ng bansa si Duterte dahil sa sobrang pagkiling sa China. Pro-China ang turing sa kanya kasama ang ilang kakampi sa pulitika.

***

Balik tayo sa biglang paglitaw ni Duterte sa TV. Inulat ni Eric Domingo, hepe ng FDA, na hindi pa nagsusumite ang Sinovac ng mga datos sa kanilang clinical trial sa mga senior citizens (edad 60 anyos pataas) at ito ang dahilan kung bakit wala pang emergency use authority (EAU) ang Sinovac. Iniulat ni Karl Chua, hepe ng NEDA, na 23% ng mga kabayahan sa Metro Manila ang walang pagkain sa hapag-kainan. Iniulat naman ni Ramon Lopez ng DTI na tuloy ang produksyon ng face mask. Launin nila na makagawa ng 47 milyon face mask, ngunit nasa 12 milyon na ang produksyon. Masyadong komplikado ang kanilang mga ulat kaya mahirap paniwalaan kung totoo o hindi. Sila lang ang nakakaunawa sa kanilang mga ulat.

***

SA kabila ng babala ng Department of Interior and Local Government, patuloy na iginigiit ng isang punong barangay mula sa Rizal na isama sila sa mga unang batch ng mga tuturukan ng bakuna kontra COVID-19 – isang bagay na agad sinagot ng DILG.

Ayon mismo kay DILG Undersecretary Epimaco Densing, sasampahan nila ng kaso ang mga magpipilit at lalabag sa National Deployment and Vaccination Plan na nagtatakda ng detalyadong priority sectors na dapat unahin.

Sa isang liham na ipinadala ni Kapitan Rasel Valera ng Barangay San Juan, kinuwestyon niya ang aniya’s pagtanggi ng Taytay municipal health office na siya ay bakunahan noong Marso 21 makaraang dumating ang humigit kumulang 2,000 dosages ng AstraZeneca vaccine.

Giit ni Valera, dapat aniya siya mapabilang sa unang batch ng mga bakunahan laban sa COVID-19 dahil siya aniya ay bahagi ng Barangay Health Emergency Response Team. Gayunpaman, nilinaw ni DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño na wala talaga sa talaan ng mga priority sectors ang mga punong barangay.

“Allow me to categorically say na nananatiling iligal at taliwas para sa mga kapitan ang magpaturok ng bakuna una man o kasabay ng mga healthcare workers dahil wala sila sa talaan ng mga priority sectors sa ilalim ng National Deployment and Vaccination Program. I should know, ako mismo nagpadala ng mga talaan sa iba’t ibang sektor,” ani Diño sa isang phone interview.

Panawagan pa ni Diño sa mga kapitan, hintayin na lang nila ang resulta ng petisyong inila-lobby ng Liga ng mga Barangay – “Ginusto niyong maging Kapitan, panindigan niyo. Bagamat naniniwala akong may basehan naman ang iginigiit niyo, mas dapat na maging huwaran kayo sa inyong pamayanan. Pag sinabing hindi pwede, hindi talaga pwede.”

Una nang naiulat ang pagpupumilit ni Valera na mabakunahan sa unang araw ng local vaccination para sa mga medical frontline healthcare workers nito lamang nakaraang Linggo. Gayunpaman, nanindigan ang mga nangangasiwa sa vaccination center, sabay giit na dapat anilang unahin ang nasa 2,000 frontline healthcare workers sa kanilang lokalidad.Pagkatapos bakunahan ang mga healthcare workers, agad naman umanong isusunod ang may 25,000 senior citizens sa nasabing bayan.

Nagpahayag din ng hinanakit ang mga nangangasiwa sa pagbabakuna kaugnay ng paratang na pinupulitika ang isinasagawang pagtuturok ng bakuna para sa mga priority sectors. Paliwanag pa ng mga local vaccinators, sumusunod lamang sila sa Department of Health na una nang nagbabalang kakasuhan ang mga nangangasiwa sa mga vaccination centers sa sandaling sila’y tumaliwas sa “priority list of vaccine recipients.”

***

Email:bootsfra@yahoo.com