Advertisers
Ni WALLY PERALTA
MALUNGKOT na masaya ngayon si Katrina Halili sa pagtatapos ng top rating afternoon soap nila na “Prima Donnas.”
Bukod kasi sa nasa planning stage na ang pagsisimula ng tapings ng Book 2 ng “Prima Donnas” at bagong pelikulang gagawin na kasama si Allen Dizon at sa direksyon ni Louie Ignacio ay nagkaroon si Katrina ng mahaba-habang oras para makapagbakasyon sa lupang sinilangan, sa Palawan, kasama ang kanyang unica hija.
Super ini-enjoy talaga ni Katrina ang bakasyon sa dating tahanan na ginawa niya ulit ang kanyang kinalakihan na gawain, tulad na lang ng pag-iipon ng mga sariwang itlog mula sa mga alagang manok.
Ang pagluluto ng mga gulay na sariwa galing sa kanilang bakuran at higit sa lahat ay ang pagle-lechon manok. Kasama na rin sa kanyang bakasyon ang pagtatanim sa likuran ng kanilang bahay ng mga gulay at bagong puno. Aminado si Katrina na enjoy siya sa kanyang buhay-probinsiya.
“Nung pandemic, na-realized ko na parang 18 years na ‘kong nagwo-work nang nagwo-work hindi ko laging nakikita yung family ko. Ang sarap ng buhay dito sa probinsiya. Mas hindi magastos. Puwede kang mamulot ng itlog sa mga alaga mong native na manok, puwede kang mag-lechon ng manok,” pahayag ng aktres.
***
NO more to beauty pageant ngayon ang byuti ni Winwyn Marquez, na minsan na ring tinanghal bilang kauna-unahang Asyana na nakakopo ng Latin America-dominated Reina Hispanoamericana crown.
Enough na raw ang international beauty title na ito para kay Winwyn. Marami kasi ang humihikayat kay Winwyn na sumabak sa Binibining Pilipinas o Miss Universe Philippines bago tuluyang ma-disqualify sa mga national beauty contest dahil sa edad.
Pero hindi raw porke’t hindi na siya sasali sa mga beauty pageant ay hihinto na si Winwyn sa anumang bagay na may kinalaman sa beauty pageant. Willing daw siyang mag-mentor sa mga baguhan na nangangarap din maging international beauty queen.
At tulad ng mga reigning beauty queen na tumutulong sa mga pagbibigay-tulong sa mga biktima ng mga kalamidad o tulad na lang ng pandemya na nararanasan ngayon sa buong mundo, ay nagagawa pa rin ni Winwyn na makibahagi sa pagbibigay tulong at medical supplies sa mga hospital bilang parte pa rin ng pagiging military reservist ng Philippine Navy sa tuwing may medical mission.
Sa ngayon ay lagare ang byuti ni Winwyn sa dalawang lock-in tapings, isa sa serye nila nina Lovi Poe at Benjamin Alves sa GMA-7 na “Owe My Love” at ang bagong movie na siya ang bida, ang “Nelia.”