Advertisers
Ni GERRY OCAMPO
KASALUKUYANG naka-quarantine ang sikat na singer na si Angeline Quinto sa kanyang tahanan dahil sa Covid -19.
Ikinuwento niya ang dinadanas sa kanyang YouTube vlog na in-upload niya last April 1 at inamin na naging pabaya siya sa sarili.
March 26 nang simulan ni Angeline ang pag-shoot ng vlog matapos siyang magpa-RT-PCR test dahil nagpositibo sa Covid-19 ang kakilala na bumisita sa kanyang bahay at nakasabay kumain.
“Siyempre po, pag kakain po, walang mask. Nakapagkuwentuhan kami, ganyan, ganyan,” kuwento ni Angeline.
Inamin niyang sobrang takot ang kanyang nadama na baka positive rin siya dahil nararamdaman na rin niya ang sintomas ng Covid.
“Sana, wag akong mag positive, kasi ang hirap po, lalo na ang dami ko pa naman pong trabaho. Iniisip ko agad kung ano yung mangyayari,” aniya.
“May nararamdaman din po kasi akong hindi tama. Baka dahil…ewan ko, baka napabayaaan ko rin yung sarili ko. So, natataranta ako, natatakot ako. Para rin sa mga katrabaho ko, para sa lahat ng kasama ko rito sa bahay,” patuloy niya.
Ang kinatatakot niyang resulta ng test ay nangyari noong March 27, na nagsasabi na positive siya sa Covid-19.
“Dumating na nga po yung resulta nu`ng Red Cross. Nakakalungkot kasi positive po ako sa COVID. Ito pa naman yung lagi kong sinasabi sa mga katrabaho ko, mga kaibigan ko lagi kayo mag-ingat. Parang this time sarili ko yata yung di ko naingatan,” say pa ni Angeline.
Ang mga naranasan niyang sintomas ay lagnat, diarrhea at nawalan ng pang-amoy at sa ikatlong araw ng kanyang quarantine ay nawalan na siya ng panlasa.
“Buti na lang wala si Mama Bob dito,” say ni Angeline na ang tinutukoy ay ang pumanaw niyang adoptive mother.
“Kung nandito pa ang Mama, baka lalo akong mataranta at mas hindi ko alam ang gagawin ko.”
Hanggang 7 days lang ang vlog na ipinakita ni Angeline at patuloy pa rin siyang nagpapagaling para sa 14 days na quarantine. Nandiyan ang araw-araw na pagmo-monitor ng kanyang kondisyon.
May araw ding nagiging emosyonal siya, lalo na napakarami ng nangungumusta sa kanyang kalagayan at kasama na rito ang mga co-star niya sa seryeng Huwag Kang Mangamba.
“Bigla lang akong naiyak ngayon. Siguro, pagbukas ko kasi ng phone ko, ang daming nangangamusta, lalo yung mga katrabaho ko sa Huwag kang Mangamba, sila tita Ibyang (Sylvia Sanchez) sila ate Mercedes (Cabral).
“So yung lang, sobrang tahimik lang kasi rito, tapos araw-araw, ganito ang paligid ko. Pero kaya natin `to. Kaya ko `to,”aniya.
Ibinalita ni Angeline sa ikapitong araw ng quarantine niya ay unti-unti nang bumabalik ang kanyang panlasa at pang-amoy.
Wish niya na magtuluy-tuloy na ang pagbuti ng kanyang kalagayan para makabalik na raw siya sa trabaho.