Advertisers
Ni WALLY PERALTA
SUSUBUKAN ngayon ang kakayahan ng young actor na si Miguel Tanfelix kung keri ba niyang gumawa ng project na hindi kasama ang kinalakihan na niya sa showbiz na kalabtim na si Bianca Umali.
Kapwa may proyektong ginagawa sina Miguel at Bianca na hindi magkasama. Si Bianca ay isa sa leading ladies ni Dennis Trillo sa teleseryeng “Legal Wives” kasama sina Andrea Torres at Alice Dixson samantalang si Miguel naman ay sa “Voltes 5: The Legacy” isinalang at walang kalabtim.
Pero bago ipalabas ang “Voltes 5 : The Legacy” ay palabas na ngayon ang isang episode ng “I Can See You 2: #Future”. Unang susubukan si Miguel na may ibang katambal dahil sa hindi pa nakatakdang isalang ang “Legal Wives” nina Dennis at Bianca.
Ano kaya ang pakiramdam ni Miguel na ang dating third party sa tambalan nila noon ni Bianca na si Kyline Alcantrara ang siya ngayong leading lady niya sa Season 2 ng ICSY?
“Okay naman. This is not the first time for me to na makatrabaho si Kyline kasi nagkasama na kami before in ‘Kambal Karibal’, her first teleserye when she moved to GMA,” say ni Miguel.
Samantala, say naman ni Kyline sa pagiging bagong leading lady ni Miguel.
“It’s fun to work with him again as we’re familiar already sa work etiquette ng isa’t isa. We’re happy na viewers appreciate the works that we did together before,” saad naman ng dalaga.
Samantala, inamin ni Kyline sa isa niyang panayam na kagagaling lang niya sa isang sekretong relasyon at kakahiwalay lang nila. Walang ibang malinaw na detalye na binigay si Kyline hinggil sa naunsyami niyang lovelife dahil nais daw ng young actress na maging pribado pagdating sa kanyang buhay pag-ibig. Say pa ni Kyline sa ngayon ay hindi na muna siya magseseryoso sa lovelife at ipopokus ang kanyang panahon sa showbiz career.
***
KUNG gaano kabilis ang ligawan nina Derek Ramsay at Ellen Adarna ay ganun din kabilis ang kanilang kagustuhan na magpakasal.
Yes, engaged to be married na ang dalawa. Tsika rin na tila hindi pa tuluyan na nakakapag-move-on ang ex girlfriend ni Derek na si Andrea Torres ay nadagdagan daw ngayon ang kirot sa dibdib ng dalaga nang malaman na inalok ng kasal ng dating boypren ang bago nitong gf ng agad-agad.
Sabi ni Andrea, hindi man totally 100% na siyang nakapag-move-on sa hiwalayan blues nila ni Derek ay masaya naman siya ngayon. Tanggap din ni Andrea na ikakasal na si Derek dahil nang minahal niya ang hunk aktor ay sinagad na niya nang husto ang pagmamahal na binigay niya rito.
Ganun daw kasi kung magmahal si Andrea, all mine to give, bading na bading ang dating. Kung sakaling maghiwalay sila ng boypren ay wala ng balikan pa na magaganap. Binigay na raw niya ang lahat at wala na siyang maibibigay pa kung sakali man.
“All out ako sa relasyon so kapag dumating sa point na kumalas na, alam ko sa sarili ko na nasagad ko na. Okey na, tama na,” paliwanag ni Andrea.
At dahil ikakasal na nga ang dati niyang bf, handa na ba si Andrea na magmahal na muli?
“Hindi pa. Usually kapag ganito binibigyan ko ng time yung sarili ko para maging mag-isa. Para kapag dumating yung next, all out ulit,” say pa ng Kapuso actress na bising bisi sa latest teleserye niya sa Siyete na “Legal Wives” katambal si Dennis Trillo.