Advertisers
SIMULA pa ng bigayan ng cash aid, mula sa Social Amelioration Program 1 (SAP 1), SAP 2, at dito sa P1K – P4K na ayuda sa bawat isa/pamilya sa mga lugar na sumailalim sa enhanched community quarantine (ECQ) sa loob ng dalawang linggo, ay problema parin hanggang ngayon ang listahan ng beneficiaries.
Oo! Marami parin ang umaangal na hindi nabigyan sa SAP 2 at maging dito sa cash aid sa mga lugar (Bulacan, NCR, Rizal, Cavite Laguna) na sumailalim sa ECQ. Wala raw sila sa listahan, nawala ang kanilang pangalan, ga-yong nagkaroon naman noon sila sa SAP 1. Bakit?
Talagang nakapagtataka nga na nabigyan sila sa SAP 1, wala sa SAP 2, at meron dito sa bagong cash aid (P1K to P4K).
Meron namang hindi nabigyan sa SAP 1, nagkaroon sa SAP 2, wala rito sa P1K to P4K.
Ang iba naman meron sa SAP 1, nawala sa SAP 2, pasok sa P1K to P4K.
Paano nangyari ito eh ang listahan noon sa SAP 1 ay ganun parin naman ang ginagamit na listahan para sa SAP 2 at dito sa cash aid na P1K to P4K sa ECQ areas?
Sigurado ako na hindi sa local government unit (LGU) ang problema kundi sa barangay. Dahil ang barangay ang nagbibigay ng listahan sa LGU. At ang listahang ginamit noong unang bigayan ng SAP ay ‘yun din ang ginamit sa SAP 2 at dito sa cash aid sa “NCR Plus” na sumailalim sa 2 weeks ECQ (March 29 – April 12).
Napakarami kasing tulisan na barangay officials nga-yon. Pati ayuda ng kanilang mga residente ay tinatap-yasan kundi man ay ibinubulsa lahat.
Ano na nga pala ang nangyari sa mga kinasuhang barangay official na tumapyas sa cash aid sa SAP 1? May nakulong na ba? May natanggal na ba sa kanila sa serbisyo? O press release lang ang pagkaso ng DILG sa mga animal?
***
Isinusulong ngayon ng Kongreso ang Bayanihan 3 Bill. P370 billion ang pinag-uusapan dito. Gagamitin daw ito para sa ayuda sa mga naapektuhan ng pandemya na higit isang taon na. Nyeta!
Hindi pa malinaw kung ipamimigay ba uli ito sa bawat pamilya o sa mga negosyong nagsara dahil sa mga lockdown.
Sa ganang akin, ang dapat ayudahan dito ng gobyerno ay ang mga nagsarang establishment, para makapagsimula uli ang mga ito at makapag-employ ng trabahador.
Dahil kung puros sa mamamayan ibibigay ang SAP 3, mauubos agad ito sa isang iglap. Pero kung sa mga nagsarang establishment ito ipautang ng walang tubo, makapag-o-operate uli ang mga ito at marami ang magkakaroon ng trabaho. Mismo!
Remember… higit 5 milyon na ang nawalan ng trabaho sa pagsara ng mga establishment simula nang pumutok ang pandemya sa Covid-19. Hirap ngayon ang mga establishment na ito makapag-operate uli dahil wala nang puhunan.
Kaya ang panawagan natin sa Kongreso, ibuhos na ang pondo ng Bayanihan 3 sa mga nagsarang establishment. Dapat!
Oo nga pala… pinoproblema ng Kongreso kung saan huhugutin ang pondo para sa Bayanihan 3.
Sabi ni Senador Drilon, gamitin muna ang P8 billion intel fund ni Pangulong Rody Duterte, at ng ibang govt. agencies na hindi essential. Mismo!