Advertisers
Ni ROMMEL GONZALES
NALALAPIT na ang pagbabalik-telebisyon ni Ramon “Bong” Revilla Jr. sa kanyang upcoming action-packed family drama series na ‘Agimat ng Agila’ na mapapanood na simula May 1.
Gagampanan ni Bong ang karakter ni Major Gabriel Labrador, ang magiting na pinuno ng Task Force Kalikasan na magiging bagong tagapagligtas laban sa kasamaan matapos mabiyayaan ng kapangyarihan ng ‘Agimat ng Agila.’
Kuwento ni Bong, matindi ang paghahanda niya para sa kanyang role. “Dahil halos five years akong hindi nakaharap sa camera, and the circumstances behind it, ang ginawa kong mental attitude is para akong nag-uumpisa ulit. Matindi kasi ‘yung parang ring rust ng fighters. Siyempre ayaw natin i-disappoint ang ating mga tagahanga at manonood na matagal naghintay na mapanood tayo ulit,” aniya.
Sumabak din daw sa physical training ang aktor para sa serye, “I physically trained for no less than three hours a day for months – weights; running; cardio; muay thai; boxing; at iba pang mixed martial arts. Nag re-train din ako sa weapons para lang bumalik ‘yung muscle memory.”
Samantala, makakasama ni Bong sa programa sina Sanya Lopez, Elizabeth Oropesa, Roi Vinzon, Benjie Paras, Allen Dizon, Michelle Dee, Edgar Allan Guzman, Miggs Cuaderno, at Ian Ignacio. May special participation din si Sheryl Cruz.
Tunghayan ang exciting adventures ni Major Gabriel sa world premiere ng Agimat ng Agila, sa May 1 na, pagkatapos ng Pepito Manaloto, sa GMA-7.
***
Gabby Eigenmann gaganap na psychotic husband sa #MPK
NGAYONG Sabado (April 24), tunghayan ang natatanging pagganap ni Kapuso actor Gabby Eigenmann bilang isang lalaking nawala sa katinuan sa episode na pinamagatang ‘My Psychotic Husband’ ng real-life drama anthology na ‘Magpakailanman.’
Matapos magpakasal, hindi inakala ni Emily (Lovi Poe) na biglang magbabago ang pakikitungo ng kanyang asawang si Abet (Gabby) na kalauna’y magkakaroon ng mental disorder.
Upang mailayo ang sarili at kanilang mga anak sa kapahamakan, nagdesisyon si Emily na iwan ang asawa at lisanin ang kanilang tahanan. Unti-unting lalala ang kondisyon ni Abet at mapapatay niya ang kanyang pangalawang asawa na si Joy (Alessandra de Rossi) at mga anak.
Makakamit pa nga ba ni Abet ang nararapat na tulong para sa kanyang kondisyon? Huwag palampasin sa “My Psychotic Husband” ngayong Sabado, April 24, 8pm sa #MPK.