Advertisers
BATANG ‘Paraiso’ ang pinagmulan at pinaghubugang talento ng isang kabataan na inakay ng kapalaran tungo sa tinatamasang tagumpay sa larangan ng palakasan hanggang sa kasalukuyan.
Sino ang mag-aakalang sa murang edad ni Carlos Edriel Yulo na namulat sa mataong lugar sa kalye ng Leveriza na nasa Malate, Maynila ay isa nang kampeon sa mundo sa larangan ng gymnastics?
Siya rin ang potensiyal na natatanging atletang Pilipino na makakapitas ng kauna-unahang Olympic gold medal na naging madulas sa Pilipinas mula noong lumahok ang bansa sa Summer Olympics higit isang siglo na ang nakaraan.
Ang batang si Yulo ay anak ng isang breakdancer na si Mark Andrew at maybahay na si Angelica Yulo at pangalawa sa limang magkakapatid.
Ang breakdancing ay usong larangan sa mga kalye ng kalunsuran noong dekada ’90 kaya nanalaytay sa kanyang dugo ang pagiging kontesero tulad kanyang ama at kuyang si Drew na naging gymnast din.
Naging laman si Carlos kasama ng ilang musmos din sa isang parke sa Malate na mas kilalang ‘Paraiso ng Batang Maynila’ na nasa harapan ng Manila Zoo sa Adtiatico na ilang hakbang lang mula sa Leveriza.
Ang ‘Paraiso’ ay di lamang naging ordinaryong pasyalan ng mga kabataan ng mga taga-Leveriza at dayo kundi naging isang training ground ng tulad niya na nangarap na maging gymnast din balang araw sa giya ng kanyang ‘Lolo Rico’ na laging sumusubaybay sa kanya mula sa kanyang pag-aaral sa Aurora A. Quezon Elementary School sa San Andres hanggang sa pag-eensayo niya sa ‘Paraiso’.
Kapag may pagkakataon, dinadala ni ‘Lolo Rico’ sina Yulo at ibang ‘Batang Paraiso’ sa Rizal Memorial Sports Complex na isang pukol lang ang layo mula Leveriza upang doon ay makapanood sila ng aktuwal na gymnastics routine sa venue na nasa likuran ng Rizal Memorial Coliseum( basketball gym).
Doon nagsimula ang mangha sa sport na iyon ng batang si Carlos dahil alam niya na kaya niyang gawin ang mga napapanood niyang mga kabataan ding atletang naroon kung saan ay nakapaglaro na rin kanyang kuya kapag may torneo doon noon.
Naging atleta si Yulo ng kaniyang paaralan bilang gymnast kahit na ang kanyang praktisan ng mga thumbling routine ay ang madamong bahagi ng ‘Paraiso’ . Mula doon ay nagwawagi na siya sa mga kumpetisyong nilalahukan tulad ng NCR Palaro kalaunan ay Palarong Pambansa at ang prestihiyosong MILO Little Olympics na handog sa student athletes ng Nestle Philippines para sa karangalan ng kanyang paaralan.
Naging laman na rin ng pahayagan sa sports pages ang mga panimulang achievements ni Caloy sa scholastic gymnastics na isa rin sa naging tulay para mapansin ang bata at magkaroon ng oportunidad na maging isa sa mga nagsasanay na batang atleta sa Gymnastics Gym sa RMSCl.
Kinalaunan ay pinayagan na siyang makapag-ensayo sa fully-equipped Gymnastics Gym na tunay nang level up mula sa praktisan niyang damuhan at lupa sa ‘Paraiso’.
Nang nagpapanalo na si Yulo sa mga torneo at nakita ang natatangi niyang potensiyal kung saan ay modelo na rin ang ‘Batang MILO’ bilang hinubog na kampeon ay kinalinga na rin siya ng Gymnastics Association of the Philippines( GAP).
Nakalalahok na siya sa mga bigating kaganapan sa lokal at international na eksena kung kaya ang kanyang training at exposures sa abroad ang naghasa nang husto sa kanyang talento sa giya ng ekspertong foreign trainer-coach at suporta na rin ng Philippine Sports Commission.
Hindi nagkamali ang GAP sa pag-aruga sa batang iyon noon na higit 20- anyos na ngayon at nag-aambag na ng karangalan sa bansa.
Tampok ang kanyang tagumpay bilang kampeon sa daigdig ay nang gulatangin niya ang mundo at hablutin ang gold medal sa Floor Exercise ng 49th FIG World Artistic Gymnastics Championship sa Strutgard ,Germany ( tiket saTokyo Olympics) noong Oktubre 2019 na nasundan agad ng kanyang dominasyon noong 30th Southeast Asian Games Philippines 2019.
Ngayon ay nasa marubdob na training si Yulo sa Japan bilang preparasyon para sa Tokyo Olympics na raratsada mula Hulyo23 hanggang Agosto 8,2021 . Tiwala ang maraming kababayan na siya na ang unang Pilipino na magiging Olympic Gold medalist na maitatala para sa karangalan at kasaysayan ng Pilipinas na pang-habang panahon..
Sa mga munting ayuda kay Yulo noon ay mga dambuhalang suporta na ang kanyang tinatamasa ngayon mula pamahalaan at pribadong sektor lalo na kapag natupad na ang ginintuang pangarap sa Olimpiyada .
Ang Batang ‘Paraiso’ noon tungo sa pagiging ‘Batang Rizal hanggang ‘Batang MILO’ngayon ay walang dudang maaabot na pinaka- glorya ng tagumpay di lamang sa sarili ni Yulo kundi pati na ang ating bansang makakadama na ng tunay na karangalan matapos ang maraming kabiguan sa larangan.(Danny Simon)