Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
NAGING panauhin ni Toni Gonzaga sa episode na “What Mommy Pinty Never Wants to Talk about,” sa kanyang vlog na Toni Talks ang kanyang ina at ang kapatid na si Alex.
Sa nasabing episode, naglabas ng saloobin si Mommy Pinty tungkol sa mga hinaing niya kay Toni.
Aniya, mas malambing daw si Alex kay Toni kaya masasabing mas close sila samantalang siya raw naman ay maka-amang si Daddy Bonoy.
Pero nilinaw niya na hindi raw naman ibig sabihin noon na hindi pantay ang pagmamahal niya sa kanyang mga anak.
Naikuwento rin Mommy Pinty na madalas daw maospital si Toni dahil noong bata pa raw ito ay inatake ito ng epilepsy.
Nagbalik-tanaw din siya na muntik nang mamatay si Toni sa sakit noong toddler pa lamang ito kaya nga protective sila sa health nito.
Nangyari raw ito noong panahong galing sila sa simbahan nang madiskubre nilang namumutla na sa sakit ang batang si Toni at nangingitim na ang buong katawan.
“Tapos sabi sa akin, bakit ganito (kinarga) kulay, black, para kang patay na tapos ‘yung dila mo umuurong. Natakot ako tapos ibinigay kita kay mommy (Toni’s at Alex’s grandma) tapos nagkulong na ako sa kuwarto ko sa cabinet nag-pray ako roon,” pag-aalaala ni Mommy Pinty.
Noon daw panahong iyon, wala raw siyang ibang masulingan kundi ang Diyos, ani Mommy Pinty.
“Ang panalangin ko huwag kang kukunin. Tapos tinanggap ko na kung anong mangyayari, ipinag-pray ko kay Lord kung ano ‘yung will niya pero ang panalangin ko, mabuhay ka pa rin,”dugtong niya.
Noong isinugod daw sa ospital si Toni, panay daw naman ang pakiusap niya sa anak na lumaban para mabuhay.
Kaya naman, fast forward, ito rin daw ang rason kung bakit madalas o kada dalawang buwan ay nasa ospital si Toni.
Nagpahaging pa nga si Toni na minsan daw ay halos nagseselos sa kanya ang kapatid na si Alex dahil type rin nitong ma-confine sa ospital.
Isang beses na maospital daw ito ay proud pa ito dahil tinawagan pa nito ang kanyang mga tita at mga kamag-anak.
Sa kaso naman ni Toni, nag-throwback siya at nagpasalamat sa kanyang ikalawang buhay na sa tulong ng mga panalangin at sa mabilis na aksyon ng mga doctor ay nailigtas ang kanyang buhay sa peligro.