Advertisers

Advertisers

Plataporma de gobyerno

0 722

Advertisers

HABANG nag-aatubili si Bise Presidente Leni Robredo kung tatakbo sa 2022, inayos ni Sonny Trillanes ang kanyang plataporma de gobyerno. Kung masasalang sa halalan, isasalya niya ang kanyang plataporma de gobyerno sa sambayanan. Bahagi ito ng maayos at may saysay na pulitika sa bansa. Maigi ang may kasagutan kapag tinanong kung ano ang plano sa pagwawakas ng paloko-lokong gobyerno ni Rodrigo Duterte.

Kung magbibigay daan siya sa kandidatura ni VP Leni sa panguluhan, maaaring isa sa maging pitak ang kanyang platporma de gobyerno sa pagbuo ng pangkalahatang plano ng tunay na oposisyon sa 2022. May silbi ang ginawa ni Sonny Trillanes. Bukod diyan, mangingibabaw ang kanyang katangian bilang lider oposisyon na kaagapay ni Leni.

Iyan ang hindi nauunawaan ng mga maputak, mabunganga at mayayabang na panatiko ni Leni. Mayabang dahil hindi umano nagbabasa ng opinyon ng mga manunulat ng “tabloid writer” pero nagbibigay ng komento sa pitak namin. Kwinistyon pa kung paano kami pinalaki ng magulang namin ngunit hindi tumugon sa hamon na magpakita kami sabay ng ng larawan at hayaan na ang madla ang maghusga. Ilitsita kumbaga.



Inilahad ni Sonny Trillanes ang nais at plano kung sakaling siya ang nasa timon ng bansa nang humarap siya noong nakaraang buwan sa isang online conference sa mga alumni ng Ateneo University. Ipinaliwanag niya sa tatlong oras na talakayan ang kanyang post-Duterte agenda mula sa punto de bista ng isang lider oposisyon.

Inimbita si Isko Moreno sa sumunod na linggo, ngunit walang iniharap si Isko na plataporma de gobyerno. Hindi niya nauunawaan ang pangangailangan ng plano ng susunod na gobyerno. Nagkuwento si Isko kung gaano siya kagaling at kung paano siya naging alkalde ng Maynila. Nagbuhat ng sariling bangko at, hindi nagtagal, nilayasan siya ng mga kausap sa online conference. Hindi kayabangan at boladas ang kanilang hanap kundi sustansiya sa utak , o mga ginintuang kaisipan sa pagtatapos ng gobyerno ni Duterte.

Batid ni Sonny Trillanes na mangunguna sa panahon ng kampanya ang usapin ng pandemya at pagkamkam ng China sa teritoryo ng Filipinas sa West Philippine Sea. Magiging batayan ng mga botante ang oposisyon ng mga kandidato sa kampanya. Hindi maaari na basta kaligtaan ang dalawang oposisyon at alam niya na mahihirapan ang kandidato na kampi sa China sa 2022.

Ibinigay niya sa talakayan ang mga kapalpakan ng gobyerno ni Duterte sa pandemya at puedeng gawin ng oposisyon kung sila ang nasa poder. Mahalaga ang bakuna sa bansa, aniya. Kailangan mayroon ang bansa bilang proteksyon sa pandemya, ani Sonny Trillanes. May iniharap siya ng listahan na dapat gawin ng bagong gobyerno upang masugpo ang pandemya. Batid niya na ang susunod na gobyerno ang haharap sa pandemya. Palpak si Duterte at hindi niya kaya na sugpuin ang pandemya, aniya.

Hindi siya katig sa “sobrang mahina na foreign policy (patakarang panlabas) ng Filipinas sa China.” Dapat maging batayan ng foreign policy ng Filipinas sa China ang makasaysayang 2016 desisyon ng Permanent Arbitral Commission ng UNCLOS na nagsabing hindi pag-aari ng China ang kabuuan ng South China Sea. May mga inilista si Sonny Trillanes na mga dapat gawin ng Filipinas kung mananalo sa 2022. Kasama ang pagsanib ng Filipinas sa puwersa ng mga bansang hindi sang-aayon sa pangangamkam ng China sa teritoryo ng ibang bansa.



Pangunahin sa plataporma de gobyerno ni Sonny Trillanes ang good governance o ang maayos na pamamalakad ng pamahalaan. Huwag ang sistema ng Davao Group na may paboritismo sa pagpili ng mga hindi kuwalipikado sa maseselang puwesto sa gobyerno. Nais niyang magkaroon ng programa kontra korapsyon sa gobyerno. Bakahin ang korapsyon sa Bureau of Customs, BIR, DPWH, PhilHealth, Bureau of Immigration, Bureau of Prisons and Penology, at iba pang ahensiya ng gobyerno na pawang sumikat sa korapsyon.

Nais niya magkaroon ng exemption ang mga opisyales na nasa Executive Department sa Bank Secrecy Law upang malaman kung nagpapayaman sila. Nais niya ang pagkakaroon ng pagtatasa (audit) sa mga sangay ng gobyerno upang malaman kung maayos ang paggamit ng salapi ng bayan at poder sa gobyerno.

Upang maayos ang takbo ng burukasya, nais ni Sonny Trillanes na gawing digitized ang lahat ng operasyon ng gobyerno. Umalis na sa lumang sistemang analog at hagkan ang digitalization ng buong burukrasya. Mahaba ang listahan ni Sonny Trillanes at buo ang loob na sumabak sa 2022 kung mabibigyan ng pagkakataon. Sagana siya sa isip at puso sa laban.

***

HINDI dapat matinag ang Commission on Audit (CoA) sa akusasyon ng mga kawani ng One Stop Shop Interagency Tax Credit and Duty Drawback Center (OSS-Center). Wala sa agenda ng mga naghablang kawani na pahinain ang mandando ng CoA sa ilalim ng Saligang Batas. Nais ng 21 kawani ng OSS-Center na ibatay ng CoA sa totoong batas ang paglalabas ng mga Notice of Disallowance (NDs). Hindi dapat gumagawa ng “audit legislation” kung saan binabago ng CoA ang mga batas upang makapaglabas ng mga NDs.

Dahil sa ginawa ng mga kawani ng OSS-Center kung saan tumakbo sila sa Korte Suprema upang patigilin ang CoA sa pang-aabuso sa poder, hindi basta makakasindak ang CoA sa burukrasya. Mukhang nabuksan ang sisidlan ng pagkamuhi sa CoA pagdating sa pang-aabuso sa poder. Pagmamasdan mabuti ang bawat galaw ng CoA sa burukrasya.

***

MAHIRAP ang pumasok na OFW. Mahirap makipagsalaran sa ibang kultura at makihabilo sa ibang lahi upang maisalba ang naghihikahos na pamilya sa Filipinas. Pero hindi diyan nagtatapos ang lahat. Maraming problema ang mga OFW na nasa ibang bansa.

Biktima sila ng mga nagpapanggap na “kaibigan.” Nandiyan hingan sila ng mga kaibigan na may mga “paaral na anak,” o “nag-aaral ng ibang leksyon.” Puedeng mangutang ng panustos sa matrikula ng anak ko? Puede bang tulungan mo ako dahil kailangan ko ng pambili ng mga gamit sa aking baking classes? Puede bang tulungan mo ang puwersang oposisyon dito sa Filipinas – kaming mga kritiko ni Rodrigo Duterte?

Ang huli ang pinakamatindi sa lahat. Hihingan ang mga OFW ng ambag na walang resibo at walang malinaw na pinaglalaanan, o walang malinaw na accounting. Hinuhuthutan ang mga OFW na walang kasalanan kundi malayo sila sa kabihasnan. Alam ng mga salarin na hindi makakapagreklamo ang mga OFW.

Ganyan ang nangyari sa mga OFW sa mga ibang bansa. Hiningan at kinuhanan ng kanilang pinaghirapan ng isang kilalang tulisan na nagpapanggap na isa sa mga lider ng oposisyon dito. Paano naging lider kung hindi naibigay ang tunay na pangalan?

Kilala siya na walang patawad sa mga OFW na hindi makapagreklamo sa hukuman dahil malayo sila. Hindi alam ng estafador na may social media kung saan inilalathala ang kanyang panloloko sa mga walang muwang na OFW. May katapusan ang gawang masama.

***

MGA PILING SALITA: “Ayaw ni VP Leni ang bilateral talks sa China. Magiging patas ang usapan kung kasama ang ibang bansa. Multilateral talks sana.” – PL, netizen

“Payag si Leni na kasama si Duterte sa isang infomercial para magkaroon ng kumpiyansa sa bakuna. Basta online at walang dakmaan?” – Joey de Luna, netizen

***
Email:bootsfra@yahoo.com