Advertisers
SA “bolahan” nina Presidente Rody “Digong” Duterte at Pastor Apollo Quiboloy, ang self proclaimed ‘The Appointed Son of God’, sa TV program ng huli nitong Martes, maraming binanggit ang Pangulo na kabaligtaran ng katotohanan.
Una, sinabi niyang maluwag na ang EDSA, wala nang trapik, 15 minuto nalang ang biyahe hanggang airport kumpara sa nakaraang administrasyon na krisis.
Totoong maluwag ngayon ang kahabaan ng EDSA dahil walang mass transport na bumibiyahe. Mga taxi at private vehicles lang ang mga dumadaan sa naturang highway. Dahil higit isang taon nang nakatengga ang mga bus at jeepneys dahil lugi ‘pag bumiyahe ‘pagkat limitado lang sa 30 percent capacity ang puede nila maging pasahero.
Ang isa pang malaking tulong sa pagpaluwag sa EDSA ay ang pagbukas ng skyways na sinimulang itayo under PNoy administration. Mismo!
Pangalawa, sinabi ni Duterte na nakahanda siyang isanla ang kanyang kaluluwa sa demonyo madurog lamang ang drug lords. Aniya pa, handa siyang maghasik ng kasamaan laban sa mga sangkot sa droga. Sus!
Noon pa niya ito sinasabi. Ginamit niya na ang statement na ito noong nangangampanya palang siya para Pangulo ng bansa. Sinabi niyang kapag naging Presidente siya, in 3 to 6 months ay drug-free na ang Pilipinas. Anyare? Limang taon na siya sa puwesto, isang taon nalang ang nalalabi sa kanyang termino pero talamak parin ang droga. Lalo pa ngang namamayagpag ang mga sindikato sa droga.
Ibinunyag ni noo’y Senador Antonio Trillanes na ang diumano’y drug lords ay mga kumpare ni Duterte at malalapit na kaibigan ng mga anak ng Presidente. Ito’y sina Peter Lim, Charlie Tan, at Kenneth Dong.
Sina Lim at Tan ay nag-courtesy call pa kay Duterte sa Malakanyang.
Sina Tan at Dong ang nag-import ng higit P6 billion worth ng shabu na nadiskubre sa isang warehouse sa Valenzuela City.
Sina Tan at Dong ay sinasabing “mga kaibigan” ng mga anak ni Duterte na sina ngayo’y Davao City Congressman “Polong” at Vice Mayor “Baste” base sa mga larawang inilantad noon ni Trillanes sa Senate inquiry.
Si Peter Lim ay kinumpirma ng PDEA at ng PNP na No. 1 drug lord sa Visayas. At large siya hanggang ngayon.
Wala namang nangyari sa kaso nina Tan at Dong.
Sinabi ni Digong na kaya hindi niya masugpo-sugpo ang droga ay dahil anim na Generals ang protektor ng drug lords. Tinukoy niya kung sino-sino ang mga Police General na ito na nagretiro na sa serbisyo. Pero hanggang ngayon ay hindi niya pa napakasuhan o na-prosecute ang mga ito. Lumalabas tuloy na “hearsay” ang lahat ng kanyang akusasyon sa naturang mga opisyal.
Pangatlo, galit na galit daw siya sa korapsyon. Eh sabi ng kanyang bespren na beteranong kolumnista na si Mon Tulfo, ang Duterte administration ang pinaka-worst sa korapsyon kesa nagdaang mga administrasyon. Totoo! Tiyak narinig at nabasa nyo na ang multi-billion pesong nakulimbat sa PhilHealth, katiwalian sa PCSO, sa Tourism, sa BIR, sa Immigration, sa DPWH, sa Customs, at maging sa Navy. Lahat ng sangkot appointees nya.
At pang-apat, sinabi ni Duterte na ang greatest achievement niya as President ay na-expose niya ang oligarchs.
Totoo! Na-expose niya ang oligarchs pero gumawa naman siya ng oligarchs tulad ni Dennis Uy at marami pa.
Kaya ang masasabi ko sa mga ikinuwento ni Presidente Digong kay Quiboloy ay boladas lamang, kabaligtaran ng mga katotohanang nangyari under his administration. Mismo!