Advertisers
MATAPOS ang walong taon ay gumawa ng kasaysayan ang national team Gilas Pilipinas laban sa mahigpit na karibal na Korea, 81-78, sa pagsisimula ng FIBA Asia Cup 2021 Qualifiers Miyerkules ng gabi sa Clark City bubble sa Pampanga.
Naging bayani sa panalo ng mga Pinoy si SJ Belangel na kahit na-off balance ay naipasok pa rin ang three points na buzzer beater sa pagtatapos ng fourth quarter.
Nagawang mahabol ng mga Pinoy ang kalamangan ng mga Koreano mula sa first quarter hanggang third quarter.
Umabot pa sa 17 ang naging abanse ng Koreans kung saan pagsapit ng third quarter ay dito na dumikit ang Gilas.
Si Belangel ay nagtapos sa 13 points, five rebounds, at dalawang assists para mapreserba ng Pilipinas ang wala pang talo sa Group A na 4-0.
Dahil dito pasok na ang bansa sa susunod na torneyo sa Indonesia para sa FIBA Asia Cup sa buwan ng Agosto.
Inabot din ng walong taon bago muling tinalo ng Pilipinas ang Korea. Para sa ibang observers, sa wakas daw nalampasan din ng team ang kamalasan.
Para naman sa head coach ng Gilas na American-New Zealander na si Tab Baldwin, aminado ito na nanibago ang mga players dahil sa ipinakitang pisikal na laro na diskarte ng kalaban.
Kahit daw papaano sa ganitong krisis sa pandemya, nakapagbigay naman sila ng positibong balita para sa mga kababayan.
“It’s a great moment for Filipino basketball, so I think it’s just a reward for the work that these young fellows have put in,” ani Baldwin matapos ang laro. “It was a great game of basketball.”
Nanguna sa diskarte ng national squad si Dwight Ramos na kumamada ng 16 points kasama na ang five rebounds at two steals.
Inabangan din ng mga fans ang debut ng Ivorian na si Ange Kouame na isa na ngayong naturalized player na nagpasok ng 12 points at six rebounds.
Naging impresibo rin ang team debut sa seniors ng Gilas team, ang Filipino prodigy at 7-foot-3 na si Kai Sotto na nag-ambag ng 11 points at seven rebounds mula sa bench.
Ito ay sa kabila na kagagaling lamang ni Sotto mula sa 14-day quarantine period at hindi pa masyadong nakasama ang buong team sa training sessions.
Samantala may laro pa ang Pilipinas sa Biyernes laban sa Indonesia at return match muli laban sa Korea.