Advertisers

Advertisers

Pambansang kamao gusto maging Superpacman sa 2022?

0 447

Advertisers

KUNG boxing lang ang presidential race, walang duda, siguradong KO ang mga kalaban ni Pambansang Kamao, Sen. Emmanuel ‘Pacman’ Pacquiao, pero ibang laro ang politika.

Sana raw, tumakbo munang mayor o governor si Pacman para magkaroon ng experience sa pagpapalakad ng gobyerno.

Pero, iba ang karisma ng bulong ni Sen. Aquilino ‘Koko’ Pimentel III at ng PR cum campaign strategist ni Pacman na ang linyang pang-akit sa mga botante ay “simple” lamang ang problema ng mamamayang Filipino.



Tamang pagbabadyet lamang, tamang paggastos at malinis na gobyerno, maraming trabaho, maayos na pabahay, health and education, solve na ang economic crisis ng malayang Filipinas.

Kasi raw, kumbaga sa isang pamilya, mas malaki ang gastos natin, kaysa kinikita kaya ang solusyon ay mangutang nang mangutang.

Kung paano mapaparami ang trabaho ng mga Filipino, hindi sinabi ni Sen. Manny, kasi secret daw iyon, at gagawin niya pag siya na ang Pangulo.

***

Sa interview kay Pacman ni Ka Tunying ( Anthony Taberna), kahit may kampanya si Presidente Rodrigo Roa Duterte laban sa mga kawatan, talamak pa rin ang korapsyon sa gobyerno.



Pag siya na ang nasa Malakanyang, pangako ni Pacman, pihado sa gagawin niyang kampanya, may “magkakamatayan diyan.”

Sabi ni Sen. Pacquiao kay Tunying, magiging totohanan ang gagawin niyang pag-uusig at “pagpatay” sa mga korap.

Pakyu ang lahat ng kawatan sa gobyerno pag si Pacman na ang Pangulo.

Sabi niya: “… mapu-frustrate ako kung bababa sa 100 ang makukulong.”

Sa dami ng makukulong, aba, kailangang magpagawa ng bagong “Bilibid” si Pacman.

Handa ba siya sa maruming laro ng politika?

Magagawa ba ni Pacman ang mga pangako niya – kung siya na ang Pangulo?

***

Isa sa maipagkakapuring panukala para makatulong sa bawat pamilyang Filipino na nakararanas ng krisis kabuhayan ngayong pandemya ay itinutulak ni dating Speaker Alan Peter Cayetano.

Ito ay ang taunang pamamahagi ng ‘10K ayuda’ sa loob ng tatlong taon, hindi tulad ng mungkahi ng ibang kongresista na gawin ito na minsan lamang.

Kung gagawing minsan lang ngayong 2021 at hindi na susundan pa, ano na lamang ang maitutulong ng halagang ito, lalo na at hindi pa ganap na nabubuksan ang ekonomya gawa ng umiiral pa ring pandemyang COVID-19.

Sa tingin ng kongresista ng Taguig, kailangan talaga ang P10,000 ayuda, hindi lang ngayong 2021 kungdi hanggang 2022 at 2023.

Kung may sapat namang badyet ang gobyerno, ibigay na ito, sabi ni Cayetano upang sa susunod na taon, makaikot ang perang ayuda sa bawat sulok ng Pilipinas “sa gayon ay maka-recover ‘yung mga nangangailangan mag-recover.”

Hindi “limos” ito, sabi ni Cayetano na ibinabatikos ng ilang mambabatas: ito, sabi niya, ay pagmamalasakit, isang pagkalinga sa kapwa Filipino na tulong ng gobyerno ang salbabidang makakapitan upang mabuhay.

Bakit nga naman ipagkakait ito at mali, sabi pa niya ang kritisismo ng mga tutol sa panukala na nagtuturo siya ng katamaran sa mga Filipino.

Likas na masisipag ang mga Filipino, wika ni Cayetano, at ngayong matindi ang hagupit ng bagyo at along dala ng pandemya, hindi ba makatwirang bigyan ng salbabida ang isang taong nasa bingit ng pagkalunod?

Kung kaya namang sagipin ang isang “nalulunod,” ang pagkakait ng salaping ayuda ay matatawag na kawalang malasakit at kawalang-puso sa kapwa.

Tunay na makatwiran ang panukalang ito at natutuwa si Cayetano na dumarami ang kongresista at kaalyado sa Kongreso na maipasa ang Sampung Libong Pag-asa program bilang paraan na maisabatas ang P10,000 cash aid.

Napakaganda ang adbokasiyang ito ni Cayetano at upang may magagamit na salaping pambili ang mga Filipino ng kanilang mga pangunahing pangangailangan.

Ang Sampung Libong Pag-asa program ay malaki ang maitutulong upang muling buhayin ang negosyo at makabangon na ang bansa sa krisis sa kabuhayan.

Ani Cayetano, dapat tiyaking “neutral” at “non-partisan” ang opisyal na hahawak sa programang ito ng pamahalaan, at ang mga ito ay dapat malawak na kaalaman sa ekonomiya upang maging matagumpay ang post-pandemic plan.

Upang maging matagumpay ang recovery program ng gobyerno, kailangan ang pagkakaisa at kung panay lang ang bangayan at debate, walang mangyayaring pagbangon ang bansa sa krisis sa ekonomya.

Sa ngayon, wika ni Cayetano, abala siya at ang mga kaalyado sa Balik sa Tamang Serbisyo o BTS sa Kongreso at tinatrabaho na nila ang economic stimulus plan sa loob ng limang taon at ang badyet ng bansa sa 2022.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.