Advertisers
DALAWANG estudyanteng Indian nationals ang nagsadya sa ating tanggapan. Nabiktima sila ng fixer o sindikato sa loob at labas ng tanggapan ng Bureau of Immigration (BI) sa Magallanas Drive, Intramuros, Manila.
Hindi ko na babanggitin ang pangalan ng mga biktimang Indian, na inabisuhan kong magreklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) para matimbog ang mga fixer sa loob at labas ng bakuran ng BI.
Ang fixer na nanloko sa Indian nationals na ito ay may apilyedong MAGALONA na nakadale ng ilang daang libong piso sa mga biktima.
Ayon sa mga estudyanteng Indian, nasa loob sila ng immigration, nakapila sa tanggapan ng mga nag-aasikaso sa student visa ng mga Indian nang paalisin sila ng isang staff ng naturang departamento. Tapos may lumapit sa kanila na isang lalaki, si MAGALONA, at nagpakilalang may mga kontak sa loob para mapadali ang pagproseso sa kanilang student visa.
Dahil walang alam at sa Bicol pa umuuwi ang mga Indian student na biktima, kumagat sila sa matatamis na tirada nitong MAGALONA para matatakan na ang kanilang passport ng student visa.
Noong una, hiningian sila ng P14,000; tapos P27,000; hanggang umabot na ng daang libong piso. Natatakan nga ang kanilang pasaporte, ‘yun nga lang kinumpiska ito ng taga-BI dahil peke raw ang pirma ni Tolentino. Aray ko!
Kung peke ang pirma ni Tolentino, dapat pinaaresto ng opisyal na ito ang pumirma rito na nandun lang nag-oopisina sa gilid ng Starbucks sa tapat ng gusali ng BI.
At bakit kinumpiska ang pasaporte ng Indian student? Para sa ano? Para lalong pahirapan at kuwartahan?
Inabisuhan natin ang Indian students na magreklamo sa NBI sa Quezon City para matimbog ang fixers sa BI na protektado o kasabwat ng mga opisyal dyan sa ahensiya mo, Commissioner Morente.
Grabe na ang sindikato dyan sa BI. Naniniwala ako na ang fixers dyan sa paligid ay “bata” rin ng mga nakaupo. Dahil dedma lang sa kanila ‘pag nagreklamo ang mga biktima eh. Pinagagalitan pa!
DoJ Sec. Menardo Guevarra, Sir! Ipawalis mo nga sa NBI operatives ang mga manloloko dyan sa paligid ng BI. Kawawa ang mga banyaga na nabibiktima ng mga ‘yan eh. Nakakahiya!!!
***
Naglalaslasan na sina Pangulong Rody Duterte at Senador Manny Pacquiao.
Sa kanyang lingguhang “Talk to the People” program nitong Lunes ng gabi, binanatan ni Duterte si Pacquiao.
“Gaya ni Pacquiao salita nang salita na 3 times daw tayo mas corrupt. So I’m challenging him, ituro mo opisina na corrupt at ako na ang bahala within 1 week,” bira ng Pangulo.
Nagbabala si Duterte kay Pacquiao na kapag hindi ito makakapaglabas ng listahan, hihikayatin niya ang publiko na huwag ito iboto sa Eleksyon 2022 dahil sa pagiging sinungaling.
Si Pacquiao ay planong tatakbong Pangulo sa 2022, kungsaan posibleng makabangga nito ang anak ni Duterte na si “Inday” Sara, ang mayor ng Davao City.
Sina Duterte at Pacquiao ay magka-partido (PDP Laban). Pero balitang lilipat na si Pacquiao sa NPC ni Senate Pres. Tito Sotto.
Unang pinuna ni Pacquiao ang mga pangakong napako ni Duterte sa isyu ng West Philippine Sea.
Sinabihan ni Duterte si Pacquiao na mag-aral muna ng foreign policy bago magsalita tungkol sa WPS.
Sagot naman ni Pacquiao, araw-araw siyang nag-aaral. At ang sinabi niya tungkol sa WPS ay ang damdamin ng mamamayan.