Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
SA sit-down interview ng Hashtag member na si Kid Yambao sa YouTube channel ng kanyang manager na si Ogie Diaz, inilahad ng dancer-actor kung paano nauwi sa wala ang kanyang pinaghirapang pera.
Aniya, niloko raw kasi siya ng kanyang kamag-anak nang i-invest niya ito sa isang negosyo.
Dagdag pa niya, tiwalang-tiwala raw kasi siyang mapapalago ang kanyang pera dahil sa ipinangako sa kanya.
Sey pa niya, sa panahon ngayon, hindi garantiya na kahit kadugo mo ay hindi ka puwedeng lokohin lalo na kung pera ang sangkot.
“Hindi naman sa lahat ‘no, pero naniniwala ako na kahit kadugo mo yan, kahit sobrang close mo yan, once na masilaw yan sa pera, lolokohin ka. Kaya ako, hindi ako naniniwala na sa pamilya ka kumapit eh buong buhay ko buong pamilya yung nangloko sa akin eh. Imbes na sila yung lalapitan mo, sila pa yung lalayuan mo eh. Hindi ko rin naman sa nilalahat, Ma,” kuwento ni Kid.
Himutok naman ni Ogie, sana raw ay pinatago na lang sa kanya ng talent ang perang naipon nito para hindi ito nauwi sa wala.
Tanong din ng talent manager turned vlogger: “So mas nakakakapit ka pa sa hindi mo kaano-ano kaysa sa sariling pamilya? Na-traumatize ka ba sa ganun?”
“Na-trauma, sobra. Madaming ganun. Imbes na suportahan ka, matuwa sayo, maraming sasabihin din sayo eh,” paghihimutok ni Kid.
Aminado rin si Kid na lumaki siya sa magulong pamilya at nasaksihan kung paanong nalulong din sa ipinagbabawal na gamot ang kanyang tatay na sa kasalukuyan ay nakakulong.
“Pangarap mo bang mailagay sa ayos yung daddy mo? Like, ma-i-out sa kulungan?,”pag-uusisa ni Ogie.
Ani Kid, marami pa raw siyang plano para mabuo ang kanilang pamilya dahil nga lumalabas na siya ang breadwinner ng family.
Siya rin daw ang nag-aasikaso ng kaso ng tatay niya.
“Oo, Ma. Hanggang ngayon, ako nag-aayos ng papel niya. Ako lahat. Ako kumakausap sa attorney, sa kanya. Pero hindi ko na iniisip yung problema, yung hirap, pagod,”naluluha niyang sagot.
Sa ngayon, may iba raw namang negosyo si Kid pero ang kanyang karanasan daw ay nagsilbing leksyon sa kanya tungkol sa mga taong dapat pagkatiwalaan.
Si Kid ay huling napanood sa Kapamilya teleseryeng “Pamilya Ko” kasama sina JM de Guzman, Joey Marquez at Sylvia Sanchez.