Advertisers
ARESTADO ang magkapatid na miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Taguig City, Linggo ng gabi.
Kinilala ang nadakip na sina Taupik Galbun “alias Pa Wahid”, 40 anyos; at Saik Galbun “alias Pa Tanda”, kapwa residente ng Sitio Imelda, Upper Bicutan, Taguig City.
Sa report ng Southern Police District (SPD), 10:50 nang madakip ng pinagsanib pwersa ng SPD DID, DSOU, SWAT, Taguig City Police, RID-NCRPO at JTF-NCR ang magkapatid.
Ang pagkakadakip sa mga ito ay base narin ‘warrant of arrest’ na inisyu ni Judge Toribio Ilao Jr., Pasig City Regional Trial Court (RTC), Branch 266.
Base sa rekord, si Taupik ay may kasong 6 counts Kidnapping at Serious Illegal Detention. Nagsisilbi rin itong outer guard ng mga kidnap victim at miyembro ng mga nasawing sina Isnilon Hapilon at Bakal Hapilon sa Sulu at Basilan.
Sangkot din ito sa pagpugot sa ulo ng mga kidnap victim na sina Primitivo Falcansantos; Crisanto Suela at Guillermo Sobero at noong Enero.
Noong Enero 3, 2009 kasama din ito sa mga dumukot sa tatlong guro sa Landang Gua Elementary School, Sacol Island, Zamboanga City; at noong Agosto 20, 2002 ay sangkot sa pagkidnap sa anim na miyembro ng Jehovah’s Witness na nagbebenta ng cosmetic product sa Patikul, Sulu.
Dalawa sa mga biktima ang pinugutan ng ulo at apat ang nailigtas ng mga sundalo sa ilang linggong operasyon laban sa mga ito.
Samantala, nitong Hulyo 2021, sinabi ng isa sa mga biktima at saksi na ang isa sa mga akusado na si Saik ay kasama ni Taupik na nadakip nitong Hulyo 10 ng taon.
Nang berepikahin ng mga awtoridad, nalaman na si Saik aymay warrant of arrest din dahil rin sa naturang mga kaso. (Gaynor Bonilla)