Advertisers
ANG kasakiman at ang manatili sa kapangyarihan ang sanhi ng paglalaslasan ngayon sa rulling party na PDP Laban na kinabibilangan ni Pangulong Rody “Digong” Duterte.
Oo! Nahati na sa dalawang factions ang partidong ito. Ang isang faction ay kinabibilangan ni Energy Secretary Alfonso Cusi, ang Vice Chairman ng partido, na siyang nangunguna sa pagtutulak para tumakbong Vice President si Digong at President si Senador Bong Go sa 2022 elections.
Ang isang faction naman ay kinabibilangan ni Senador Koko Pimentel, dating presidente at kabilang sa founder ng partido, na siya namang nagtutulak kay Senador Manny Pacquiao para tumakbong Presidente sa darating na halalan.
Si Pimentel ang nagtalaga kay Pacquiao para presidente ng PDP Laban matapos itong mag-resign noong Disyembre 2020 para raw bigyan ng exposure ang boxing senator para sa plano nitong pagtakbong presidente ng bansa.
Sa press conference ng PDP Laban na ipinatawag ni Cusi nitong Martes ng umaga, halata na ayaw nito kay Pacquiao para siyang maging banner ng tiket ng partido. Ang pinu-push niya ay si Bong Go at Vice si Digong. Halata rin na araw niya kay “Inday” Sara na anak ni Digong.
Sa aking palagay, kaya ayaw ni Cusi kina Sara at Pacquiao ay dahil siguradong wala siyang puwesto sa gobierno kapag alin sa dalawa ang maging presidente. Mismo!
Malalaman sa Biyernes sa pagpupulong ng mga opi-syal ng partido kung sinu-sino ang sasama sa grupo ni Cusi-Duterte at ang sa panig ni Pimentel-Pacquiao. Abangan!
***
Ayaw paman aminin ni Manila Mayor Isko Moreno na sasali siya sa presidential race sa 2022, kitang-kita naman sa mga galaw niya ang planong pagtakbo sa pagka-pangulo.
At naniniwala ako na yakang-yaka ni Yorme ang laban. Ang Maynila, na halos may 2 million nang botante ngayon, ay si-guradong so-solid ito sa kanya.
Ang mga kabataan lalo kabaklaan ay tiyak “Yorme” ang isu-sulat sa balota ng mga ito. Pustahan!
Ang NCR, may pinakamalaking boto sa bansa, ay malamang mag-Isko. Yes!
Ang kailangan nalang ni Isko ay matibay na Vice Presidentiable na makatutulong sa kanya. Si Senador Grace Poe daw. Isko-Poe? Puede!
Malakas ang kutob ko na ang sunod na Presidente ng bansa ay mula sa Tondo. Wanna bet?
***
Dapat nang magdeklara si Vice President Leni Robredo kung tatakbo siyang Presidente o bumaba nalang sa pagka-Senador o sa lokal nalang aariba.
Ito’y upang makapagsimula nang mangampanya ang kanyang supporters na matagal nang nag-aabang ng kanyang desisyon.
Ang mga Bikolano ay nag-aabang na sa kanyang magiging kumpas. Ano ba, Leni?
Hindi puede ang urong-sulong na statement na “pag-iisipan” pa ang pagtakbo. Dapat may buong plano na, ipakita na ang determinasyon na pamunuan ang bansa, iligtas mula sa mga kasalukuyang incompetent, korap at baliw na mga opisyal ng Duterte administration. Mismo!
***
Umiikot na sina Senador Ping Lacson at Sen. Tito Sotto para sa kanilang tandem sa 2022. Sayang lang ang effort nila. Wala silang dating sa masa. Mga wala kasing paninindigan!
Nag-iisip din si Congressman Alan Peter Cayetano na kumasa sa pagka-pangulo. Go!