Advertisers
Ni BLESSIE K. CIRERA
KAPUSO na si Johnny Manahan o mas kilala sa tawag na Mr. M. Kahapon ay pormal nang iniharap sa ilang entertainment press si Mr. M bilang bagonh consultant ng GMA Artist Center.
Tsika nga ng sikat na director at star builder, inihanda na anya niya ang sarili na retirado na matapos ang ilang taon ding panunungkulan sa ABS-CBN.
Sey ni Mr. M, lubhang maganda umano ang offer sa kanya ng Kapuso Network kaya hindi niya ito matanggihan. Idinagdag pa nito na sa tingin anya niya ay makatutulong siya sa pagsasanay ng mga baguhang artista ng GMA samantalang ibig na lang daw niyang maging kaibigan ang mga datihang stars na.
Bagama’t hindi pa kilala ni Mr. M ang mga talent ng Kapuso, nais na raw niyang makita at makilala ang mga ito.
Pabor din umano si Manahan na muling magsagawa ang GMA ng mga reality contest para makahanap pa ng mga bagong talento na hahasain bilang mahusay na artista. Gayundin, welkam naman daw sa Kapuso ang ilang Kapamilya stars na nais lumipat at makasama siya sa kanyang bagong tahanan.
Sey din ni Mr. M na dati na rin daw siyang naging Kapuso noong araw kaya masaya siya na nakabalik s dating tahanan.
Mababait daw kausap ang mga executives ng GMA kaya walang naging problema sa pagpirma niya ng kontrata sa network. Handa rin umano siyang magdirek ng programa ng Siyete kapag hinilingan siya.