Advertisers

Advertisers

ANIBERSARA (PART 1)

0 1,023

Advertisers

Ni ATTY. NICK NANGIT

KAMAKAILAN lamang ay ginunita ng iba’t ibang sektor ang Anibersara ng katol. Marami nang tumalakay dito, tumuligsa, sumang-ayon, at nagbigay pa ng kani-kanilang mga kuru-kuro at pananaw. Ating balikan at ilagay sa tamang perspektibo ang mga kaganapan.

Noong Hulyo 10, 2020 ay lumabas sa botohan ng TWG sa Kapulungan ng mga Kinatawan sa Kongreso na hindi nito inaprubahan ang aplikasyon ng katol na mabigyan muli ng bagong prangkisa. Sa 70 mambabatas na bumoto ng pagtanggi, kabilang ang mga dating artista na sina John Marvin Nieto aka Yul Servo at Dan Fernandez.



Kabilang naman sa 11 lamang na bumotong payagan (at naghain pa nga ng kanilang mga panukalang muling bigyan ng prangkisa ang katol) ay ang dating artista na si Vilma Santos-Recto at dating reporter ng katol na si Sol Aragones. Piniling hindi makibahagi sa botohan ang dating artista na si Alfred Vargas.

Ang prangkisa ay hindi karapatan. Hindi rin ito obligasyon. Ito ay isang pribilehiyo lamang na ibinibigay ng Estado (o Republika ng Pilipinas) sa isang aplikante sa loob ng ilang taon. Ang may-ari ng tinatawag na frequency sa air time o yung mga daluyan sa himpapawid para makapag-ere ng mga palabas sa telebisyon ay ang Estado. Dahil limitado ang mga frequency, pinipili lang ng Estado sa pamamagitan ng Kongreso kung kanino ipahihiram ang mga ito. May mga pamantayang dapat munang patunayan na nakamit ng aplikante at, kapag ito’y nabigyan na ng pribilehiyo, may mga kondisyon itong dapat tuparin.

Kabilang sa mga pamantayan ay ang kapasidad ng aplikante na pangasiwaan itong mabuti. Ibig sabihin, may sapat bang kapital ito at kayang magbayad ng mga utang? Kabilang naman sa mga kondisyon ay ang pagsunod sa mga batas at alituntunin ng Estado. Nakalagay sa ating Saligang Batas na may hangganan ang prangkisa at bawal ang mga dayuhan na mag may-ari ng mass media. Nakasaad din sa mga batas na dapat magbayad ng tamang buwis at igalang ang karapatan ng mga manggagawa.

Napatunayan ba ng katol na karapat-dapat ito sa bagong prangkisa?

HINDI!



Una, hindi nga naipakita ng katol ang titulo nito sa lupa na kinatitirikan ng kanilang mga gusali. Ang mga isinumiteng titulo sa TWG ay hindi tumutukoy sa lupaing iyon dahil lumabas sa pagdinig na hindi lang iba ang mga numero ng titulo, kundi iba rin ang may-ari. Paano napunta sa katol ang lupa? Binalikan ng TWG ang kasaysayan at lumabas nga na noong umupo si Cory bilang Pangulo, tila ibinigay na lamang sa katol ang lupa. May arbitration daw, pero wala namang papeles?! Walang dokumentong maipakita ang aplikanteng katol na sila nga ang may-ari ng nasabing lupain.

Pangalawa, lumabas din na may itinayong Big Dipper na kumpanya na kaalyado ng katol. Ito ay rehistrado sa PEZA subali’t ang kinikita nito ay tila milagrosong kung saan-saan napupunta. Tila inabuso raw nito ang pagkaka-rehistro, ayon sa TWG, dahil nakaiwas ito sa pagbabayad ng tamang buwis. Kakarampot lang ang ibinabayad nitong buwis kumpara sa ibinabayad ng GMA. Imbes na mabigyan din ng trabaho ang mga lokal na negosyo, iilan lang ang nakikinabang sa pinagkakakitaan nito. Maiisip tuloy kung bakit ang lalaki ng TF ng mga artista nila. May mga pending pang kaso ito sa Court of Tax Appeals.

(ITUTULOY)