Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
SINABI noon ng Wowowin host na si Willie Revillame na may mahalaga siyang desisyong gagawin sa susunod na buwan.
Bagaman walang direktang tinukoy si Willie kung tungkol ba ito sa posibilidad na kumandidato siya bilang senador sa 2022 elections, tiniyak naman ng TV host na hindi siya magiging “kenkoy” at hindi magnanakaw sa pera ng bayan.
“Huwag kayong mag-alala hindi ako kenkoy sa Senado. Hindi kami magkekenkoyan. Tutulong, gagawa ng paraan, gagawa ng batas sa mga taong nagugutom. Hindi po magpapatawa doon,” paliwanag niya.
Dahil sa kanyang naging pahayag, hindi naman mapigilang mag-opinyon ng kibitzers tungkol sa kanyang plano.
Hirit nila, good as in kinukumpirma na raw ni Willie ang kanyang pagpasok sa pulitika.
May mga kate-katera pang nagsabing nakumbinsi na raw ang TV host-actor ng partido ni Digong na kumandidato sa tiket nito.
Sa pinakahuling survey kasi ng Pulse Asia, pasok si Willie sa mga gustong iboto ng masa at nag-land siya sa ika-siyam na puwesto.
Sa kanyang pahayag, nanawagan din siya na huwag maliitin ang kakayahan ng mga artistang sumasabak sa pulitika.
***
Toni Gonzaga ‘di hahadlangan ang anak kung mag-showbiz
Sa panayam ng Youtube vlogger na si Wil Dasovich, natanong nito kay Toni Gonzaga kung nakakakitaan na ba niya ang kanyang anak na si Seve ng hilig sa pag-aartista lalo pa’t parehong nasa showbiz ang kanyang parents.
Hirit ni Toni, sa ngayon daw ay wala pa, pero hindi raw niya masabi paglaki nito.
Inusisa rin siya ni Wil kung papayagan ba niyang sumabak sa pag-aartista ang anak sa hinaharap.
Aniya, bilang magulang ni Seve, naroon lang daw sila para suportahan ang anak.
Kung ito raw ang ikaliligaya ni Seve at ito ang pinili niyang propesyon, naroon lang daw sila para sumuporta.
Wala rin daw sila sa posisyon na magdikta kung ito talaga ang hilig ng kanilang unico hijo.