Advertisers

Advertisers

Kaya pa ba ni Digong ng panibagong 6 years?

0 671

Advertisers

HANGAD ni Pangulong Rody “Digong” Duterte na maluklok ng panibagong anim na taon pagkatapos ng kanyang termino sa Hunyo 30, 2022.

Tatakbo raw siyang Vice President. Ito’y upang magkaroon daw siya ng “immunity from suits” o hindi siya mademanda sa mga kakaharapin niyang kaso pagkatapos ng kanyang termino as President.

Pero maliwanag sa ating Saligang Batas na ang Vice President ay walang immunity sa anumang kaso. Tanging Presidente lang ang may immunity o hindi puwede ihabla o kasuhan habang nasa kapangyarihan.



Dapat alam ito ni Digong dahil isa siyang abogado at matagal naging piskal sa Davao City bago naging politiko.

Anyway, ipagpalagay naman natin na may immunity from suit ang isang Vice President, just in case… kakayanin pa ba niyang magserbisyo sa bansa ng panibagong anim na taon? Eh ngayon palang ay very obvious nang may malaki siyang problema sa kanyang kalusugan. Isang beses isang linggo nalang nga siya kung magpakita sa publiko, sa gabi pa! Tapos kapag dumalo siya sa mga okasyon, kailangan niya ng alalay sa paglalakad dahil mistula siyang lasing at hirap nang humakbang. Mismo!

At kung ang plano naman ni Digong sa pagtakbong Vice President ay maging presidente uli by succession, ‘yung pagbibitiwin niya ang presidente (kung kaalyado niya ang mananalo), mabababoy naman dito ang Saligang Batas na nagsasabing isang termino lang ang Presidente.

At kapag nangyari ito, baka maging batayan na ito ng mga sunod na presidente. Na tuwing matapos ang termino ay takbong Vice President at pagbitiwin lang ang kaalyadong President para makabalik sa top position sa politika.

Sakali namang naging VP nga si Digong, ngunit ang Presidente ay hindi niya kaalyado, halimbawa si Leni Robredo, tapos wala pang immunity from suits ang VP, paano na? Hehehe…



***

Sabi ng isang kilalang political analyst at UP Professor na na si Ramon Casiple, kapag nangyari ang tandem ng mag-amang Duterte (Sara at Digong) ito aniya’y isa nang pagpapairal ng monarchy na hindi pa nangyayari sa isang democratic country sa buong mundo. Hindi ito kanais-nais at taliwas sa kultura ng Pilipinas at maging sa buong daigdig.

Tiyak na pagpipiyestahan sa buong mundo ang Pilipinas, sabi ni Casiple.

Okey lang aniya ang anak ang maging Presidente pagkatapos ng ama, na nangyari narin kina Gloria Macapagal Arroyo na anak ni late President Diosdado Macapagal, at late Noynoy Aquino na anak naman ni late Pres. Cory Aquino.

Pero ang mag-ama na hahawak sa dalawang pinakamataas na posisyon sa politika sa bansa, ito’y isa nang kahihiyan sa buong mundo. Mismo!

Sa madali’t salita, ang nais sabihin rito ni Casiple ay ibasura ang Duterte-Duterte tandem sa 2022 kung sakali man.

Si Sara, kasalukuyang alkalde sa Davao City, ay una nang nagsabi na hindi mangyayari ang Duterte-Duterte tandem.

Kasalukuyan nang umiikot si Sara sa mga lalawigan, nakikipag-usap sa malalaking politiko tulad ni GMA, Marcos, Garcia ng Cebu at Climaco ng Zamboanga.

Tatakbo talaga si Sara. Pero ‘di pa batid kung sino VP niya. Abangan!