Advertisers
MALUPIT talaga ang hagupit ng COVID-19 pandemic sa mundo.
‘Yung mga nasa ibang bansa, stranded.
Habang ang mga Pinoy na gustong magtrabaho sa ibayong dagat, natetengga naman dito.
Kakaunti lang ang mga pinapayagang lumabas.
Aba’y tinututukan din ngayon ng gobyerno ng Pilipinas at ng isang advocacy group ang pagpapauwi ng mga undocumented at overstaying na Pilipino.
Kung hindi ako nagkakamali, kabilang dito ang mahigit 200 na menor de edad na walang visa sa United Arab Emirates (UAE) sa gitna ng pandemya.
Sabi ni King Chopazar Belimac, founder ng OFW Helpline Global, karamihan sa mga ina ng nanatiling 260 na batang Pinoy sa UAE ay wala ring hawak na visa.
Talagang nakakalungkot naman ang ganitong pangyayari.
Isa si alyas Mutya sa mga kasong undocumented.
Sinasabing nang siya ay ipanganak, inihabilin siya sa isang kasambahay.
Gayunman, ang paghabilin ay nauwi sa tuluyang pag-abandona sa kanya ng tunay na ina.
Musmos pa lang daw si Mutya nang abandonahin siya nito.
Isang kasambahay ang nagpalaki sa kanya.
Higit pa sa anak ang turingan nila.
Limang taon ang inabot ng proseso ng pagpapauwi kay Mutya.
Naloko noon si Unas ng mapagsamantalang kababayan na nangakong mag-aayos sana ng papel ni Mutya.
Buti na lang daw, nabigyan na ng pasaporte si Mutya at natunton ang nanay niya sa tulong ni Belimac.
Mabuti na lamang at may mga katulad ni Belimac na tumutulong sa kanila.
Parang nabunutan daw ng tinik si Mutya, hindi niya maitago ang kanyang saya.
Bagama’t makauwi man daw ng bansa si Mutya, hindi pa rin niya makakalimutan ang itinuring niyang ina ng maraming taon.
Naiiyak din niyang sinabi na hinding-hindi rin raw niya maibabaon sa alaala o limot ang kabutihan ng kanyang nakagisnang nanay.
Ganyan ang ilan sa mga kwento ng mga kababayan natin sa ibayong dagat.
Nakakatawa, nakakaiyak, pero nagbibigay naman ng inspirasyon sa lahat.
Saludo tayo sa lahat ng mga tumutulong sa mga kababayan nating stranded sa labas ng bansa, lalo na ang Duterte government.
* * *
AT para naman sa inyong mga reaksyon, suhestiyon, reklamo, atbp., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-private message sa aking Facebook, Twitter, Instagram, at FB accounts. Paki-subscribe na rin po ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat at stay safe!