‘Di na tumatanggap ng COVID-19 patients: OSAM handa pa ring magbigay ng immediate care sa COVID-19 patients
Advertisers
NAKAHANDA pa ring magbigay ng immediate care sa mga COVID-19 patients ang Ospital ng Sampaloc sa Maynila kahit pa nasa full capacity na ito na at hindi na kayang tumanggap ng mga bagong pasyente.
Ayon kay Dr. Aileen Lacsamana, direktor ng naturang pagamutan, hanggang nitong Lunes, Agosto 30, ay mayroong 41 kaso ng COVID-19 na naka-admit sa kanilang pagamutan o 102.5% ng kanilang capacity, kaya’t hindi na nila kayang tumanggap pa ng ibang pasyente.
Sa kabila nito, bukas pa rin naman ang kanilang emergency room at mayroon silang mga ambulansiya na kayang maghatid ng mga pasyente sa kanilang mga sister hospitals kung kakailanganin.
“Kahit nagsabi kami na hindi na namin kayang ma-admit muna sila, our emergency room is still open. Ganun pa rin naman kami, maraming mga ambulansya at ready kaming mag-transport sa iba’t ibang sister hospitals namin” ayon kwy Lacsamana, sa panayam sa teleradyo.
Sinabi ni Lacsamana na ang mga pasyente na nakakaranas ng sintomas ng sakit o yaong nagpositibo na sa sakit ay maaaring tumawag muna sa kanilang tanggapan upang malaman kung mild lamang o malala na ang sintomas nito.
“Maganda kasing tumawag at malaman kung mild symptoms. Kung mild symptoms, we can advise them to go directly to a quarantine facility or coordinate with the Manila Health Department and then MHD susunduin sila and dadalhin sila to a quarantine facility,” paliwanag pa ng hospital director.
Sinabi ni Lacsamana na pinaghandaan naman nila ang inaasahang pagdami ng COVID-19 patients gaya nang pagdaragdag ng mga gamot, oxygen tanks at iba pang pangangailangan ng mga ito.
Aminado naman si Lacsamana na napapagod na ang kanilang mga doktor at mga nurse at nangangamba silang hindi nila kakayanin kung tuluy-tuloy ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.
Sa ngayon, ang bawat nurse nila ay nag-aalaga ng hanggang 10 pasyente kaya’t kung magtutuluy-tuloy ito at mas dumami pa ang kanilang mga pasyente ay hindi na nila ito kakayanin pa.
Ito ang dahilan kung bakit noong Sabado ay nagdeklara na sila na hindi na muna tatanggap pa ng mga bagong COVID-19 patients, na kailangan ng hospitalization dahil wala na silang paglalagyan ng mga ito.
Gayunman, tiniyak niya na tuluy-tuloy ang kanilang pagtatrabaho at pag-aalaga sa mga pasyente.
“We do appropriate care. Kung kailangan ng oxygen muna until a patient is stabilized, we will do that. And we will find from our sister hospitals kung saan sila pwede mai-itransfer,” dagdag pa niya. (ANDI GARCIA)