Advertisers
NASAWI ang isang sundalo, habang patuloy na ginagamot sa Zamboanga City Medical Center ang isa pang biktima ng pagsabog sa isang temporary checkpoint sa Campo Uno, Lamitan City, Basilan nitong Martes.
Kinilala ang mga biktima na sina Corporal Cyrus Bunda at Private Army Vember Basco, mga miyembro ng 68th Infantry Battalion ng Army na nagbibigay seguridad sa lugar.
Agad namang naisugod sa ospital ang dalawang biktima pero binawian ng buhay si Bunda.
Sa ulat, nangyari ang pagsabog ng Improvised Explosive Device (IED) 8:50 ng umaga.
Ayon kay Wesmincom Acting Commander, Major General Generoso Ponio, tatlong lalaki na sakay ng motorsiklo ang nakita sa lugar bago nangyari ang pagsabog.
Sinabi ni Ponio, isa sa tatlong mga suspek ay nagawa pang paputukan ang isa sa dalawang sundalong sugatan gamit ang caliber .45 pistol, habang nakuha naman ang hawak na baril ng isa pang sundalo at tumakas sa direksyon patungo sa Barangay Cabobo, Lamitan City.
Ayon naman kay Brig. Gen. Domingo Gobway, Commander ng Joint Task Force Basilan, nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente at pursuit operations laban sa mga suspek. (Mark Obleada)