Advertisers

Advertisers

Hukumang pandaigdig

0 11,045

Advertisers

PANSAMANTALANG iniwan ni Mahistrado Robert H. Jackson ang Korte Suprema ng Estados Unidos nang ipadala siya ni Presidente Harry Truman sa Alemanya sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaan Pandaigdigan noong 1945. Si Jackson ang itinalaga ni Truman at nanungkulan siya bilang punong taga-usig sa paglilitis ng mga pangunahing lider ng Nazi Germany. Kinilala si Jackson na isang mahusay na abugado bagaman hindi siya nagtapos sa law school.

Ito ang tinaguriang Nuremberg Trial sa kasaysayan kung saan nilitis ang 22 pangunahing lider ng Nazi Germany ng unang International Military Tribunal (IMT) na binubuo ng kinatawan mula sa nanalong pwersang Allied -Estados Unidos, Britanya, Unyon Sobyet, at Francia. Nais ng Britanya at Unyon Sobyet na luminya sa pader ang mga lider na Nazi Germany at barilin bilang parusang kamatayan. Tumanggi ang Estados Unidos at nagkasundo ang mga bansa ng Allied na bumuo ng hukuman na lilitis sa mga salarin.

Si Mahistrado Robert H. Jackson ang nagbigay ng isang madamdaming paunang pahayag sa pagbubukas ng paglilitis noong ika-20 ng Nobyembre, 1945 sa siyudad ng Nuremberg, Alemanya. Ipinaliwanag niya ang pakay ng paglilitis – ipakita sa mundo kung ano ang mga kabuktutan, kasamaan, at kalupitan ng mga Nazi sa ilalim ni Adolf Hitler.



Bagaman tinutuligsa na walang ipinakita sa mundo ang Nuremberg Trial kundi ang patunay ng “victors’ justice,” o “katarungan ng mga nagwagi,” pinasinungalingan ni Jackson ang batikos ng bigyang diin niya na mas kailangan na maintindihan ng mundo kung ano ang nangyari noong sa digmaan. Kailangan maintindihan ng sangkatauhan ang mga batas pandaigdig na sumasakop sa mga maling gawa sa panahon ng giyera, aniya.

Tumagal ng sampung buwan ang paglilitis sa mga natirang pangunahing lider ng Third Reich ni Hitler na kinabibilangan ni Hermann Goehring, Rudolf Hess, Joachim von Ribbentrop, Wilhelm Keitel, Alfred Jodl, Ernst Kaltenbrunner, Hjalmar Schackt, Francis von Pape, Walther Funk, Julius Streicher, Alfred Speer, at iba pa. Nagsalita bilang saksi ang mga dating opisyales ng Nazi Germany at maging ang mga biktima ng kalupitan ng mga Nazi.

Matagumpay na inilarawan sa Nuremberg Trial ang sistematikong pagpaslang sa humigit-kumulang sa anim na milyon na Hudyo, at ang pangangalap ng umabot sa humigit-kumulang sa limang milyon na dayuhang manggagawa na sapilitang dinala sa Alemanya at nagtrabaho sa mga pagawaan pandigma doon hanggang mamatay, at pagtatayo sa maraming concentration camp na may kanya-kanyang pakay.

Ipinakita sa paglilitis ang mga concentration camp na may sariling gas chamber kung saan dinala ang daan-daan libong Hudyo upang patayin. May mga concentration camp na para sa mga dayuhang manggagawa na hindi binigyan ng hustong pagkain at nagtatrabaho hanggang mamatay. Ipakita ang mga concentration camp para sa mga kaaway pulitikal ni Hitler.

Sa Nuremberg Trial luminaw ang pagkakaiba ng war crimes at crimes against humanity. May mga batas at alituntunin na sinusunod ang mga nagtunggaling lakas sa isang digmaan. War crimes ang tawag sa mga paglabag sa mga batas ng giyera. Ngunit kapag ang mga paglabag ay sa mga sibilyan, tinatawag itong crimes agtainst humanity. Sa Nuremberg Trial tumingkad kung ano ang ibig sabihin ng crimes against humanity.



Mula sa Nuremberg Trial umimbulog ang konsepto ng crimes against humanity. Sa makabagong panahon, sinakop ng konsepto ang pagpuksa (extermination), pagpaslang (murder), pang-aalipin (enslavement), pambubugbog (torture), pagkulong (imprisonment), panggagahasa (rape), sapilitang paglilipat ng populasyon (forced transfer of population), sapilitang paglalaglag sa sanggol sa sinapupunan (forced abortion), panggigipit dahil sa mga magkakaibang relihiyon, pananampalataya, at kulay ng balat, at iba pa.

Nilagom ni Jackson ang proseso ng paglilitis sa kanyang pangwakas na pahayag sa Nuremberg Trial noong ika-1 ng Oktubre, 1946. Kinilala si Jackson sa pag-uusig sa mga lider Nazi kung saan 12 ang napatawan ng kamatayan at binitay, walo ang nasentensiyahan ikulong mula sampung taon hanggang habambuhay at tatlo ang pinawalang sala.

Sa pagwawakas na pahayag binitiwan ni Jackson ang pangangailangan ng isang pandaigdig na hukuman upang hindi maulit ang kasamaan ng lideratong Nazi sa Alemanya at mundo. Hindi sapat ang mga pansamantalang hukuman, aniya. Kailangan itatag, aniya, ang isang permanente na hukumang pandaigdig na uusig at lilitis sa mga mapagsamantalang lider, at tirano sa mga mamamayan ng sariling bansa at karatig.

Bagaman kinilala si Mahistrado Jackson bilang isang batikang manananggol na nagbigay buhay sa paglilitis, hindi kaagad napansin ng mundo ang kanyang pahayag. Humataw ang Cold War sa pagitan ng Estados Unidos at Unyon Sobyet kung saan nagpaligsahan ang dalawang malaking bansa na mangibabaw sa mundo. Natakpan ng Cold War ang kanyang mungkahi.

Muling napansin ang kanyang suhestiyon nang natunaw at sumabog ang dating Yugoslavia at nagkaroon ng digmaan at “ethnic cleansing” sa mga mamamayan sa mga dating republika ng Yugoslavia. Nagkaroon rin ng ethnic cleansing sa bansang Rwanda sa Africa kung saan daan-daan libo mamamayan kabilang sa isang lipi ay kinitil ng kalabang lipi.

Itinatag ng United Nations Security Council ang International Criminal Tribunal for former Yugoslavia upang litisin si Slobodan Milosevic, presidente ng Serbia. Itinatag ang parehong tribunal para sa Rwanda upang litisin ang mga lider na maysala sa patayan. Sa pagwawakas ng mga paglilitis, binalikan ang suhestiyon ni Mahistrado Jackson na itayo na sa wakas ang isang pandaigdigang hukuman para sa mga kriminal na lider ng iba’t-ibang bansa sa mundo.
Sa pagpasok ng 2000, nagnegosasyon ang mga kinatawan ng mga bansa at nagkasundo sila sa Rome Statute, isang tratado na nagtatayo sa International Criminal Court (ICC) na nagsisilbi ngayon ng pandaigdigang hukuman. Inabot ng 50 taon bago nagkatotoo ang makasaysayang mungkahi ni Mahistrado Jackson.
Kasama sa pag-imbulog ng isang pandaigdigang hukuman ang pagpapatibay ng isang sistemang pangkatarungan sa pandaigdigang batas. Mabisa itong pananggalang laban sa pang-aabuso sa poder ng mga lider. Ito ang bagay na hindi naiintindihan ni Rodrigo Duterte ng ilunsad niya ang madugo pero bigong digmaan kontra droga. Hindi niya alam na may ICC na.

Hindi naiintindihan ni Duterte ang kahalagahan ng ICC sa kapayapaan ng mundo. Dahil siya ang isinakdal nina Sonny Trillanes at Gary Alejano ng crimes against humanity noong 2017 dahil sa malawakang patayan sa ilalim ng “Oplan Tokhang,” inumpisahan ng sumpunging si Duterte ang pagtiwalag ng Filipinas sa ICC upang iligtas ang sarili mula sa sakdal.

Hindi binigyan halaga ng ICC ang pagtiwalag ni Duterte nsa Filipinas. Sumulong ang sakdal at nagpasya ang Pre Trial Chamber ng ICC na umpisahan asa madaling panahon ng pormal na imbestigasyon kay Duterte.. Kinatatakutan ito ni Duterte at mga kasapakat dahil hindi nila kabisado ang proseso ng ICC. Mga mangmang sila sa proseso ng ICC.