Advertisers
PIHADONG marami na sa mga ina ng ating mga tahanan ay pinoproblema na ang pagkukunan ng ipapakain sa kanilang mga anak dahilan ng pagkahumaling ng mga ama sa pagsusugal.
Lalo pa sigurado itong bibigat, dahil naipasa na sa ikatlong pagbasa sa Kongreso ang panukalang bigyan ng dalawamput-limang (25) taon na bisa ng prangkisa ang Lucky 8 Star Quest Inc., ang magpapatakbo at mamamahala ng mga ‘offsite betting stations (obs) para sa ‘on-line cockfightng’ o ‘e-sabong’ na tinatawag.
25 taon ang siguradong tagal na gugulin din ng mga amang sugarol, lalo na ang mga nahuhumaling sa sabong. Pinadaling pamamaraan ng pagsusugal o pagtaya sa sabong na di mo na kailangang pumunta sa sabungan. Kung ang karera ng kabayo eh me offtrack betting stations (otb), mga tayaang pinalapit sa mga karerista, ang e-sabong naman ay obs, na kahit sa iyong cellular phone ay maaari nang tumaya at manood ng laro.
Nakakatuwang malaman na ang botong inabot sa Kongreso para aprubahan ang panukalang batas o House Bill No. 10199 para sa 25 taon na bisa ng prangkisa para sa e-sabong ay 161-2-0. Halos mayorya ng mga mambabatas ang pumapayag, samantalang dadalawa lamang ang sumalungat.
Ang dahilang ng isa sa sumalungat na mambabatas, di lamang mga ama ng tahanan ang maaaring malulong sa sugal na ito, kung di maging ang kanilang mga anak o mga kabataan, dahil madali nang sumali sa larong ito gamit lamang ang cellfone at internet.
Ang pagkahumaling nga naman sa sugal na sabong ay maaaring lumala. Ngayon pa nga lang na may iligal na operator ng e-sabong ay marami ng pamilya ang nagka-watak-watak dahil sa sugal na ito. Yun pa kayang maging legal na ang pag-taya rito.
Di ba nga may mga birong nagkalat na, na may kakilala silang sabungero na nagkaroon ng tindahan dahil sa e-sabong? Magandang pakinggan di ba? Ang totoo pala ay dating may grocery ang sabungero nang manaya sa e-sabong at napagtatalo nauwi ang grocery sa tindahan na lamang.
May kasabihan rin tayo, na sa sabong, lahat ng meron ay mawawalan. Kaya, tataya ka pa ba?