Natuklasan, nabunyag ang alok na P3 milyon ng ‘abogado’ ni Quezon Gobernor Danny Suarez sa biktima ng panggagahasa
Advertisers
BAWAT Filipino na biktima ng kahit anong krimen ng sinumang nilalang ay nararapat mabigyan ng katarungan.
Makajamit ang katarungang ito kung mapaparusahan, makakasuhan at makukulong ang gumawa ng krimen.
Kahit makapangyarihan at makuwarta ang kriminal ay nararapat lamang managot at maparusahan sa krimeng nagawa laban sa biktima.
Tama po ba ang aking nabanggit?
“Hustisya, hindi pera ang kailangan ko!”
Ito ang kahilingan at panawagan ng 18-anyos na dalagang umano’y kinidnap at paulit-ulit na ginahasa ni Councilor Arkie Manuel Yulde sa bayan ng Lopez, Quezon.
Batay sa ulat, si Yulde ay dinakip sa Lopez, Quezon ng mga elemento ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP) sa pangunguna ni Lt. Col. Ariel Huesca noong gabi ng Setyembre 20.
Sa isang press conference nitong Huwebes, Setyembre 30 , sa Dagupan City na ipinatawag ni Prof. Salvador Singson-de Guzman ng Citizens Movement Against Corruption, Crime, Illegal Drugs and Gambling, Inc, ibinulgar ng biktima na itinago sa pangalang “Wena” na
inalok umano siya ng mga tauhan ni Quezon Governor Danilo Suarez ng P3-milyong cash bilang bayad kapalit ng pag-urong niya sa mga kasong naisampa sa korte laban sa konsehal.
Humarap sa media ang biktima kasama ang kanyang ina at legal counsel na si Atty. Fernando Cayago na kinatawan din ni Prof. de Guzman.
Sinabi Rosario Tapiador, ina ng biktima noong Setyembre 20, may pinapuntang abogado at dalawa pang tauhan si Suarez sa dati nilang tirahan sa Pasig City at kinausap sila para aregluhin na lang ang kaso at upang mapalaya na si Yulde.
Pokaragat na ‘yan!
Sinabi pa umano ng nagpakilalang abogado ni Suarez na ibibigay na niya kaagad ang P2 milyong salapi sa araw din na nag-usap sila habang ang balanseng P1 milyon ay ibibigay niya kapag pumirma na ang biktima ng Affidavit of Desistance sa harapan ng piskalya.
Kaso, hindi pumayag ang nanay ng biktima.
“Hindi po ako pumayag na bayaran nila ang aking anak dahil ang gusto niya ay hustisya, hindi pera”, wika ni Rosario sa Northern Luzon Press and Radio Club, Inc. na pinamumunuan ni Tommy Oligo na Publisher ng pahayagang Bulgaran.
Tiniyak ng ina ng biktima na tauhan ni Suarez ang nagpunta sa bahay nila dahil sila ay sinamahan ni Marie na kumare ni Yulde at ng kinakasama nitong si Cynthia na kapatid niya.
“Hindi ako puwedeng magkamali dahil ang totoo, ang dati kong mister ay taga Lopez, Quezon na dating nanilbihang driver ni Konsehal Yulde na sang abogado habang si Marie ay second cousin namin ng kapatid kong si Cynthia na nagsilbing secretary noon ng ama ni Yulde” sabi pa ni Rosario.
Binanggit ni Rosario na nagbanta pa umano ang mga tauhan ni Suarez na hindi makakamit ng anak niya ang hustisya dahil ipapatay siya at babayaran nila ang mga piskal at huwes na hahawak sa mga kaso niya.
Pokaragat na ‘yan!
Umapela naman ang biktima kay Gov. Suarez at sinabing: ”Gusto ko pong umapela at manawagan kay Governor Suarez na huwag niyang pakialaman ang kasong isinampa ko laban kay Councilor Yulde na alam kong protektado niya dahil ang gusto ko, hustisya at hindi pera.”
Si Yulde ay naaresto sa bisa ng dalawang warrant of arrest na inisyu noong Setyembre 15, ni Judge Roselyn C. Andrada-Borja, presiding judge ng Regional Trial Court Branch 53 sa Rosales, Pangasinan.
Nahaharap si Yulde sa kasong violation of Section 5 (b) Article 111 of Republic Act 7610 na may Criminal Case No. 7344-R; at kidnapping and serious illegal detention with rape sa ilalim ng Criminal Case No. 7345-R.Walang inirekomendang piyansa sa mga nasabing kaso.
Samantala, sinabi naman ni De Guzman na kapag napatunayan ang pakikialam ni Suarez ay puwede itong kasuhan ng kriminal at administratibo.
Pokaragat na ‘yan!
Pinag-aaralan na ngayon ng mga abogado niya kung may sapat na basehan upang makasuhan ito sa Ombudsman.