Advertisers
NATAPOS na kahapon ang filing ng Certificate of Candidacy (CoC) para sa Halalan ‘22.
Lumabas na lima ang malalakas na maglalaban para sa pagka-pangulo. Ito’y sina Senador Panfilo “Ping” Lacson, Sen. Manny “Pacman” Pacquiao, dating Sen. “Bongbong” Marcos, Manila Mayor “Isko Moreno” Domagoso, at Vice President Leni Robredo.
Sa mga ito apat lang ang nagdeklara ng kanilang running mate: Lacson-Sen. Tito Sotto, Pacquiao-Congressman Lito Atienza, Isko-Dr. Willie Ong, at Robredo-Sen. “Kiko” Pangilinan.
Si Marcos ay hindi pa dineklara kung sino ang kanyang Vice. Pero si Sen. Bong Go kamakailan ay nag-file ng VP nang walang President. Posibleng sila ang mag-tandem (Bongbong-Bong). Puede!
Kakaiba ngayon ang mga presidentiable, mga walang binanggit kung sino-sino ang kanilang senatorial ticket.
Ang mga reelectionist na senador ay hindi binanggit kung kaninong presidentiable sila naka-tiket.
Marami ring dating mga senador ang nag-file uli, gustong makabalik sa serbisyo, tulad nina Antonio Trillanes, JV Ejercito, Chiz Escudero, Loren Legarda, at ang dating Bise Presidente na brodkaster na si Noli de Castro.
Mayroon ding mga bago pero kilala na sa larangan ng serbisyo publiko tulad nina Raffy Tulfo (journalist), Atty. Chel Diokno (human rights lawyer), Manny Piñol (journalist turned agriculturist), at Mark Villar (DPWH Sec).
Actually, sila ang bet ko sa pagka-Senador. Feel nyo rin ba sila, mga pare’t mare? Wish ko lang!!!
Inilutang din ng presidentiables ang kanilang political color bilang kanilang identification. Ang kulay ni VP Leni ay pink, ang kay Isko ay green, sa administrasyon ay pula. Ang dating nagdodominang kulay dilaw ay wala na.
Pagka-deklara nga ni VP Leni nitong Huwebes na siya’y tatakbo, biglang nag-trending sa social media ang kulay pink. Ilang gusali sa Metro Manila pati ospital tulad ng Saint Lukes sa Quezon City ang nagpailaw ng pink. Pati mga sinampay na kulay pink ay pinost sa social media. Alam na!
Patok na patik din ang green. Nagkalat sa kalye ang mga nakasuot ng green. Lupet.
Siempre, hindi rin nagpatalo ang pulahan, post din sila. Kaso walang pumansin. Aray ko! Hehehe…
***
Iginiit ng International Criminal Court (ICC) na may jurisdiction sila para paimbestugahan ang extra judicial killings sa Pilipinas na kinasasangkutan ni Pangulong Rody Duterte, ex-PNP Chief ngayo’y Senador “Bato” dela Rosa, ex-Justice Secretary ngayo’y Napolcom Commissioner Vitaliano Aguire at iba pang opisyal ng administrasyon na umano’y may kinalaman sa pagpaslang sa higit 10,000 suspected drug addicts/pushers/protectors sa ‘war on drugs’.
Ang Pilipinas ay humiwalay sa ICC two years ago nang malamang iimbestigahan ito sa exrajudicial killings matapos ireklamo ni noo’y Senador Trillanes.
Pero giit ng ICC, hindi basta tatalikod ang Pilipinas sa pinirmahang kasunduan ng mga bansa.
Si Trillanes ay numero unong kritiko ni Pangulong Rody Duterte.
Sagot naman ng kampo ni Duterte, hindi sila ma-kikipagtulungan sa gagawing imbestigasyon ng ICC.
Subaybayan!