Advertisers

Advertisers

Chito Gascon, 57

0 959

Advertisers

HINDI sukat akalain ng mga tagapagtaguyod ng simulain ng karapatang pantao ang biglang pagkamatay ni Chito Gascon, hepe ng Commission on Human Rights (CHR), ang sangay ng pamahalaan na binuo ng Saligang Batas upang itaguyod at ipagtanggol ang karapatang pantao ng mga Filipino. Nagkasakit ng Covid-19 si Chito Gascon. Dahil may diabetes, hindi siya nakabawi sa komplikasyon at tuluyang namatay.

Hindi katandaan si Chito noong namatay; limampu’t pitong taon siya. Batid namin na matindi ang uri ng diabetes na dumapo sa kanya. Ito ang dahilan at hindi nakaya ang komplikasyon ng dapuan siya ng Covid-19. Gayunpaman, nagluluksa ang komunidad ng mga nagtatanggol sa karapatang pantao sapagkat masigasig niyang ipinagtanggol ang simulain na ito kahit na ginipit siya ni Rodrigo Duterte at mga kasamang pasista.

Una namin nakilala si Chito bilang isang lider aktibista noong kasagsagan ng labanan kontra sa diktadura ni Ferdinand Marcos. Isa siyang lider estudyante ng University of the Philippines (UP) na nanindigan laban sa diktadura. Palagi namin siyang nakapanayam sa tinawag namin na parlamento ng kalsada.



Siya ang pinakabatang kasapi ng 50-katao komisyon na binuo ni Pangulong Cory Aquino upang bumalangkas ng panibagong saligang batas na papalit sa Konstitusyon ng 1973 na naging kasangkapan ng diktadura ni Marcos. Kasama siya sa nagpaluwal sa Konstitution ng 1987, ang kasalukuyang Saligang Batas.

Marami siyang nahawakan na iba’t-ibang posisyon sa gobyerno, ngunit sa magulong larangan ng karapatang pantao siya gumawa ng magandang pangalan. Hinirang siya noong 2015 ni Pangulong Noynoy Aquino na pamunuan ang Commission on Human Rights (CHR). Pitong taon ang kanyang termino ayon sa Saligang Batas. Magwawakas sana iyon sa 2022.

Dahil magkakilala kami ni Chito Gascon, naglakas loob ang inyong lingkod na lumapit sa kanya noong unang bahagi ng Disyembre, 2018 upang hilingin na gamitin ang pasilidad ng CHR. Mayroon natatanging state-of the art facilities ang CHR. Nandoon ang makabagong Bulwagang Ka Pepe na tamang-tamang para sa dalawang-araw na seminar ng aming grupo, Tertulia sa Kyusi, hinggil sa civic journalism.

Madali namin nakuha ang pagsang-ayon ni Chito sa aming panukalang seminar, ngunit hindi agad natapos ang aming pagkikita at nagkaroon kami ng dalawang oras ng pag-uusap. Ginanap ang seminar noong Enero, 2019. Hindi kami siningil kahit piso ni Chito bagaman nagtagubilin na abutan namin ng kaunting halaga ang dalawang staff ng CHR na naatasan ng overtime work sa araw ng Sabado at Linggo.

Sa dalawang oras na pag-uusap, marami siyang sinabi tungkol sa mga ginagawa nila sa CHR. Dahil kasagsagan ng malawakang patayan sa madugong digmaan kontra droga, tinanong namin kung ano ang ginagawa ng CHR at kagyat niyang inuulat ang sari-saring pagsisiyasat hinggil sa paglabag sa karapatang pantao sa mga biktima ng patayan.



Kinumpirma niya na umabot sa libo-libo ang bilang ng mga pinaslang kahit hindi siya nagbigay ng opisyal na bilang ang CHR. Tungkol sa dokumentasyon ng mga napatay sa digmaan kontra droga ni Duterte, sinabi niya na natapos ng CHR ang dokumentasyon ng mahigit sa isang libo at mahigit dalawang libo ang nasa iba’t-ibang yugto ng dokumentasyon.

Inamin niya na hindi biro ang pagsisiyasat at dokumentasyon sapagkat hindi malaki ang budget ng CHR at pinipilay ng gobyerno ni Duterte ang paglabas ng budget ng CHR kaya nahihirapan sila na magawa ng husto ang mga serbisyong itinatadhana ng Saligang Batas.

Dahil alam namin ang sakdal ng isinampa ni Sonny Trillanes at Gary Alejano, ang dalawang mambabatas ng Magdalo Party, na crimes against humanity kontra Duterte at mga kasapakat, itinanong namin kung nakatulong ang mga dokumentasyon ng CHR sa sakdal. Isinampa ng dalawa ang sakdal noong 2017 at nasa estado ng preliminary investigation noong nag-usap kami ni Chito. Sinabi ni Chito Gascon na ibinigay ng CHR sa ICC ang mga kopya ng mga dokumentadong kaso ng mga pinaslang

Hindi siya nagbigay ng mga detalye. Hindi namin alam kung paano ibinigay ang mga kopya ng mga dokumentadong kaso. Hindi siya nagbigay ng bilang. Hindi niya sinabi kung ibinigay ang mga iyon sa mga bisitang imbestigador ng ICC sa bansa. Hindi sinabi kung ipinadala ang mga kopya sa pamamagitan ng courier service o personal na dinala ng kinatawan ng CHR ang mga kopya sa ICC sa The Hague.

Hiniling niya na “off the record” ang aming pinag-usapan at kung maaari huwag sulatin muna sapagkat maaaring mapahamak ang seguridad ng mga staff sa CHR. Iginalang namin ang aming usapan. Wala kaming isinulat kahit na nasilip namin ang anggulo ng balita.

Sumulong ang sakdal ni Sonny Trillanes at Gary Alejano. Noong ika-15 ng Setyembre ng taong ito, nagdesisyon ang Pre-Trial Chamber na umpisahan ang formal investigation ng sakdal kontra kay Duterte at mga kasapakat na kabilang sina Bato dela Rosa, Jose Calida, Dick Gordon, Vitaliano Aguirre, Alan Peter Cayetano, Oscar Albayalde, at iba pa.

Kinakabahan si Duterte at mga kasapakat dahil hindi nila kabisado ang proseso ng ICC. Alam nila na hindi nila mabibili ang mga imbestigador ng ICC kahit itapat sa kanila ang bilyones. Noong unang pumutok ang balita mga apat na taon ang nakalipas, mariing sinabi ni Duterte na hindi siya makikipagtulungan sa ICC at hindi niya papasukin sa bansa ang mga imbestigador ng ICC. Kamakailan, nagpasya si Duterte na harapin ang kanyang kaso sa ICC.

Ang hindi alam ni Duterte ay naisahan siya ng kanyang mga kalaban. Nakuha ng ICC ang maraming ebidensiya sa malawang pagpaslang. Ipinasa ang mga ebidensiya sa ICC ng mga manananggol ng mga pamilya ng biktima ng EJK. Lumalabas na mukhang matibay ang hawak ng ICC sa kanya. Mukhang hindi uubra ang kanyang tikas at tigas sa ICC.

Sang-ayon sa probisyon ng Rome Statute, ang tratado ng maraming bansa na bumubuo sa ICC, may kapangyarihan ang ICC na maglabas ng warrant of arrest laban sa mga inakusahan kahit nasa estado ng formal investigation. Mukhang ito ang kinatakutan ni Duterte. Hindi niya kontrolado ang mga ganitong aksyon.

Walang epekto ang iniutos ni Duterte na pagtiwalag ng Filipinas sa pagiging kasaping bansa ng ICC. Nilinaw ni Karim Khan, bagong hepe ng Office of the Prosecutor na pumalit sa nagretirong Fatou Bensouda, na tuloy ang formal investigation sa mga pinaggagawa ni Duterte hanggang 2019, ang taon na tumiwalag ang Filipinas.

Nasusukol na si Duterte at mga kasapakat. Hindi nila mapigil ang proseso ng ICC. Abangan.