Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
SA pinakabagong entry sa vlog ni Celeste Tuviera, naitanong ng celebrity stylist kay Angel Locsin kung bakit walang takot ang aktres sa paggawa ng buwis-buhay stunts sa kanyang mga teleserye noon.
Isa raw sa halimbawa nito ay ang pagsabit ni Angel sa isang umaandar na sasakyan sa isang action scene sa isang teleserye na nasaksihan niya mismo.
Bilib daw kasi siya sa katapangan ng aktres dahil hindi ito nagpadobol sa kabila ng delikadong eksena.
Ani Angel, enjoy daw naman siya sa paggawa ng ganoong klaseng stunts na para sa kanya ay thrilling.
Proud din siya na bihira sa mga artistang babae ang nakagagawa ng maseselang eksena ng aksyon tulad ng ginagawa niya.
Gusto rin daw niyang ipakita na kung kaya ng mga lalake ang buwis-buhay stunts, kaya rin daw ito ng mga kababaihang artista.
Sa kaso naman ng isang eksena kung saan kailangan niyang tumalon nang patalikod sa bangin, kalkulado raw naman siyang ‘safe’ siya dahil marunong daw naman siyang lumangoy at hindi madidisgrasya sa tubig na babagsakan niya.
Gayunpaman, aniya, mabuti na lang daw at bulag ang kanyang tatay kaya hindi nito napapanood ang death-defying stunts niya dahil kung sakali, ito raw ang unang sasawata sa kanya.
Sa case naman ng Pinay superheroine character ni Mars Ravelo na ginampanan niya, nagbahagi siya ng trivia na hindi raw boses niya ang ginagamit kapag sumisigaw siya ng “Darna.”
Boses daw ito ng Asia’s Songbird na si Regine Velasquez.
Iyon daw kasing tipo ng pasigaw na boses na matinis at kontrolado ang bagay na bagay na ibirit ng actress-singer.
Speaking of her marriage with Neil Arce, nag-viral kamakailan ang ibinahagi ng aktres na hidden talents ng kanyang mister na aniyaý recently lang niya natuklasan.
Kabilang na nga dito ang mga umano’y talento ng mister sa pagkanta, pagsayaw at pagpulot ng mga bagay-bagay gamit ang kanyang mga daliri sa paa.
Sa video na na-upload sa kanilang channel, hindi inatrasan ni Neil ang mga challenge na pinagawa sa kanya ng misis sa pamamagitan ng pagdampot ng iba’t ibang bagay gamit ang kanyang daliri sa paa.
Matapos mapagtagumpayan ang mga challenge ng asawa ay may hamon din sila sa kanilang viewers na magbahagi ng kanilang talent sa Toe – Sipit Challenge at magbibigay sila ng premyo sa maswerteng mananalo.