Advertisers
PANAHON na para retokehin ng Kongreso ang batas sa eleksyon.
Itong pagpayag ng batas sa mga may termino pang senador na tumakbo sa higher position na kapag natalo ay babalik lang sa pagka-senador ay dapat nang burahin sa pahina ng ating Saligang Batas.
Oo! Dapat kapag ang isang incumbent senator ay tumakbong bise presidente o presidente, kailangan mag-resign muna. Hindi na puwede makabalik bilang Senador kapag natalo.
Ito’y upang malimitahan ang maraming senador na tumatakbo sa pagka-pangulo.
Tulad halimbawa lang nitong sina Sen. Bong Go at Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa. Kapwa tatlong taon palang sila sa kanilang unang termino, may 3 years pa sila sa Senado. Kandidato sila ngayon sa pagka-bise presidente at presidente, ayon sa pagkakasunod. Kapag natalo sila sa elek-syon sa 2022, walang mawawala sa kanila, Senador parin sila. Unfair, di ba?
Isa pang dapat lusawin sa batas ng halalan ay itong proseso ng mahigit 1 month period ng ‘substitution’. Na maaring palitan ang isang kandidato kapag lumalabas na ito’y mahina o hindi winnable. Tulad halimbawa ng ginawa noong 2016 ni noo’y Barangay Captain Martin Dino na nag-file ng CoC sa pagka-pangulo at nagwidro bago matapos ang deadline sa substitution para palitan ni noo’y Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Ang ganitong sistema ay isang panloloko o panlililanlang sa taong bayan. Mismo!
Kaya tama itong isinusulong ngayon ni Congressman Rufos Rodriguez na dapat nang alisin ang proseso ng substitution sa pag-file ng kandidatura.
Isama narin sana ang paglusaw sa batas na pumapayag sa incumbent senators na tumakbo sa higher position pero makababalik sa Senado kapag natalo sa pagka-bise presidente o presidente. Dahil ito’y napaka-unfair sa mata ng marami. Right?
***
Napanganga ako rito sa mga rason ng Ombudsman sa pagbasura sa Graft case laban kina dating Tourism Secretary Wanda Tulfo-Teo at kanyang utol na si Ben Tulfo kaugnay ng P120 million ad deal (na ang P71 million ay napunta kay Ben) sa government TV station na PTV.
Ang depensa ni Wanda ay: Gumawa lamang siya ng deal sa PTV. Ang PTV ang gumawa ng deal sa programa ni Ben na ‘Bitag’. Hindi niya (Wanda) raw alam na ang ‘Bitag’ ay sa utol niyang si Ben. Absuelto! Aray ko po!!!
Ang depensa naman ng PTV ay: Hindi nila alam na sina Wanda at Ben ay magkapatid. Hahaha… Sinabi ng PTV Executive na si Ramon del Rosario na nalaman lamang niya na mag-utol sina Wanda at Ben nang pumutok na ang katiwalian. Boom!
Kayo? Anong say n’yo sa desisyong ito ni Ombudsman Samuel Martires?
Si Martires, isang retired Associate Justice ng Supreme Court, ay siya rin ang nag-utos na huwag ibigay sa media ang SALN ni Pangulong Rody Duterte.
Si Duterte lang ang tanging Pangulo ng Pilipinas na hindi nagpakita ng SALN sa publiko simula nang mahalal noong 2016.
Sabi ni Duterte, gusto man niya ipakita sa publiko ang kanyang SALN pero ayaw raw ito ilabas ng Ombudsman.
Anyway, ang kahunghangan na ito ay matatapos na sa 2022. Keep safe!!!