Advertisers
NASABAT ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang tinatayang higit P4 milyon halaga ng mga ismagel na sigarilyo na sakay ng dalawang de motor na bangka na mas kilala na “Jungkong” sa isinagawang operasyon sa karagatang sakop ng Zamboanga City.
Ayon sa BOC, nagsasagawa ng pagpapatrulya ang mga tauhan ng BOC-Customs Intelligence and Investigation Service (BOC-CIIS) at Enforcement and Security Service-Customs Police Division (ESS-CPD), kasama ang mga tauhan ng Philippine National Police 2nd Zamboanga City Mobile Force Company (PNP ZCMFC) nang mamataan nila ang dalawang nasabing bangka na may bodymark na “M/V Mernalyn Z” na may kargang 50 master case ng iba’t ibang ismagel na sigarilyo habang ang isang bangka naman nam may bodymark na “M/J AZ-ZHAHIR” ay may kargang 87 master case ng mga nasabing sigarilyo.
Ayon sa BOC, nasa kabuuang 137 master case na mga ismagel na sigarilyo ang kanilang nasamsam na tinatayang aabot sa halagang ₱4,795,000.
Isasailalim sa seizure and forfeiture proceeding ang dalawang bangkang de motor gayundin ang mga nasabat na ismagel na sigarilyo dahil sa paglabag sa Section 1113 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA). (Jocelyn Domenden)