Advertisers
Patay ang isang lalaki habang sugatan ang anak nito sa naganap na sunog sa residential area sa Baseco compound, Tondo, Miyerkoles ng gabi, Oktubre 13.
Isang residenteng kinilalang si Mastora Guimat ang nasawi nang hindi makalabas sa kanilang bahay. Nasugatan naman ang kaniyang anak, na agad itinakbo sa ospital.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection-National Capital Region, nagsimula ang sunog 6:44 ng hapon at nadeklara makalipas ang dalawang oras sa Barangay 649 sa Baseco.
Nagsimula ang sunog sa dalawang palapag ng shanty na pag-aari at inuulopahan ng pamilya ni Guimat sa Blk.15- A Baseco Compound.
Na-trap umano sa banyo ng kanilang bahay ang lalaki at na-suffocate dahilan para mawalan ito ng malay at tuluyan nang masunog.
“Dahil sa dami ng residents… unruly po kasi ‘yong dating nila dito kaya nahirapan ang pagpasok at pagdating ng fire trucks,” ani Fire Chief Insp. Leo Andiso ng Manila Fire Department.
Pansamantalang tumutuloy sa Baseco Evacuation Center ang higit 100 pamilyang nasunugan.
Tinatayang aabot sa P700,000 ang pinsala sa sunog.
Inaalam pa ng BFP ang sanhi ng pagsiklab ng sunog sa lugar. (Jocelyn Domenden)