Advertisers
Patay ang dalawang babae nang pagsasaksakin ng isang lalaki na nakaalitan ng isa sa kanila sa Brgy. Sta. Ana, Taytay, Rizal, Miyerkoles ng umaga.
Kinilala ang mga biktima na sina Marinel Olanio at Aiza Canape habang nakatakas naman ang salarin na nakilala sa alyas na ‘June Granadino.’
Batay sa pagsisiyasat ng Taytay Municipal Police Station, 10:00 ng umaga nang maganap ang krimen sa Purok 4, B1, Lot 39, Matalino St., Kupang Arenda, sa Brgy. Sta. Ana.
Nauna rito sa hindi pa batid na kadahilanan ay nagkaroon umano nang mainitang pagtatalo sa pagitan nina Olanio at Granadino.
Sa kasagsagan ng pagtatalo, bigla na lang umanong nagbunot ng patalim si Granadino at pinagsasaksak si Olanio sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Tinangka naman ni Canape na awatin si Granadino ngunit maging siya pinagsasaksak rin nito.
Nang makitang duguan na ang mga biktima mabilis na tumakas si Granadino patungo sa ‘di pa batid na direksiyon, bitbit ang patalim na ginamit sa krimen.