Advertisers
SADYANG nagpahinga ng isang linggo sa pagsulat ng opinyon at pagbigay ng kuro-kuro sa politika upang pagmasdan ang damdamin ng mamamayan sa nalalapit na halalan. Hindi pa pinal ang talaan ng tatakbo sa pangulohan. Lalabas lang iyan sa Nobyiembre 15, ang huling araw na itinakda ng Comelec ng pagpapalit-balat ng mga kandidato.
Ngunit sa mga nakalipas na mga araw magmula nang maghain ng kandidatura ang mga “nais magsilbi” ay matindi na ang iringan at patutsadahan ng mga suporter ng mga kandidato. Kapansin pansin ang pagbigay ng angas sa mga bitaw ng salita ni Isko Moreno. Ngunit sa bawat bitaw niya ay nabubutasan at nababalikan siya.
Paniwala ng marami siya ay pakawala ng kampo ng Rodrigo Duterte. May basehan sila lalo na nang magpahayag siya na hindi niya ipapakulong ang dating pangulo. Aniya, kailangan ng bansa ang isang healing presidency. Samakatuwid, hindi niya kakasuhan si Rodrigo Duterte sa mga patayan at korapsyon naganap sa panahon ng tila bangag na pangulo. Marami ang nadismaya sa alok niya. Tinawag siya ng isamg kaibigan na Boy Hiling.
Malamya ang buga ng bibig niya laban kay Duterte. May nagsasabi na siya ay komunista. May nagsasabi na hindi pa siya handa at pumasok lang sa ulo, tulad ni Manny Pacquio, ang kaniyang katanyagan. Mahirap isalba ang kanyang kampanya kung sa bawat bitaw niya ay sablay sa asinta.
Pinakamaingay ang kampo ni Bongbong Marcos at Leni Robredo na pinaniwalaang magkakaharap sa finals. Matindi ang batuhan ng mga maaanghang na salita ng mga panatiko nila–yaong mga tagahanga na wala na sa hulog mangatwiran. Huwag magkakamali na makanti ang kanilang mga iniidolo, sabay sabay sila sasalakay. Paniwala ng mga tagahanga nila, ang kandidato nila ang magsasalba sa kinasasadlakan ng sangkatauhan.
Nagsulpotan sa social media ang mga pekeng balita at survey sa kampo ni Marcos. Simple lang sagot ng mga pink warriors ni Robredo. Iposte ang mga nakaw na ari-arian at listahan ng mga kaso kung saan nahatulan na guilty ang dating diktador.
Sa mga banat kay Leni Robredo ng kampo ni Isko at Marcos, simple lang ang tugon ng bise presidente: Mariin at makahulugang katotohanan. Dito angat si Leni.
***
KABILANG kami sa mga nadismaya sa ibang elemento sa senatorial line-up na ipinalabas ng kampo ni VP Leni. Hindi namin masikmura na ihanay sila sa mga taong nakipaglaban at nakaranas ng pang-aapi sa ilalim ng mala-satanas na pamamahala ni Rodrigo Duterte sa nakalipas na limang taon. Kasama sa linya si Richard Gordon na nambalasubas sa mga ginawang imbestigasyon sa senado; Joel Villanueva na ‘pinataba’ ng dating administrasyon at isa sa mga una tumalon sa kusina ng administrasyon at Jojo Binay na nasangkot ang pangalan sa pa darambong.
Kamakailan lamang ay sumikat si Gordon sa isyu na kinasasangkutan ng Pharmally sa bilyon bilyon na anomalya. Naging bukas sa madla ang bungangaan nila no Rodrigo Duterte. Halos dalawa linggo siya namayagpag sa telebisyon sa senado. Sapat na ba dahilan iyon para makasampa sa grupo ni Leni Robredo?
Poblema ang kaniyang mga suporter na pumuposturang tagapagsalita. Sila iyong hindi marunong tumanggap ng puna. Lahat ng sabihin at gawin ni Leni, para sa kanila, ay tama.
Hindi nila maunawaan na marami sa suporter ni Leni ay marunong din mag-isip madismaya sa ibang disisyon niya. Tingin nila ay “walang naitutulong at nakakasira pa. May nagsasabi pa na “kung hindi nakakatulong ay tumahimik na lang muna.
***
Email:bootsfra@yahoo.com