Advertisers
TINUPAD ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang pangako sa mamamayan ng Marinduque na maglalagay ng Malasakit Center sa Marinduque Provincial Hospital sa capital town ng Boac.
Ang binuksang ika-144 Malasakit Center ay siyang kauna-unahan sa probinsiya bilang bahagi ng pinalalawak na pagsisikap ng Duterte administration na ilapit sa publiko ang serbisyong pangkalusugan, partikular ang medical assistance, sa mga rural o mahihirap na lugar.
“Ipinangako ko ito sa inyo nung huli akong pumunta dito. Sabi natin kung qualified naman ay maglalagay tayo ng Malasakit Center dito sa Marinduque para makatulong sa mga kababayan natin para ‘di na nila kailangan pumunta ng ibang isla para humingi ng tulong,” sabi ni Go na tumutukoy sa kanyang ipinangako na natupad na.
Ang Marinduque ay isang isla sa katimugang bahagi ng Luzon. Hiwalay ito sa mainland Luzon ng Tayabas Bay. Dahil sa pagiging isang isla, ang mga residente na nangangailangan ng mas malaking tulong ng gobyerno ay mararating sa pamamagitan ng bangka.
“Para hindi kayo mahirapan, nandito na ang mga ahensya sa inyung ospital. Ginawa natin ito upang maging mas mabilis ang paghahatid ng serbisyo. Lalo na ngayong panahon ng pandemya, kailangan ang gobyerno ang lumapit sa ating mga kababayan,” ayon kay Go
Noong 2019, iniakda ni Go ang isang panukala na naging Republic Act No. 11463, mas kilala bilang Malasakit Centers Act, matapos siyang mahalal na senador.
Ang Malasakit Center ay one-stop shop kung saan pinagsama-sama sa iisang bubong ang mga ahensiyang Department of Health, Department of Social Welfare and Development, Philippine Health Insurance Corporation, at Philippine Charity Sweepstakes Office.
May mga Malasakit Center na ring naitayo sa MIMAROPA Region, matatagpuan sa Occidental Mindoro Provincial Hospital sa Mamburao, Oriental Mindoro Provincial Hospital sa Calapan City, Ospital ng Palawan sa Puerto Princesa City at Romblon Provincial Hospital sa Odiongan.
“Zero balance ang target nito para wala na kayong babayaran. Kung kulang ang tulong ng mga ahensya, mayroong inilaan din na dagdag pondo si Pangulong (Rodrigo) Duterte. Pakiusap nalang namin sa mga doktor at social worker, ‘wag niyong pabayaan ang ating mga mahihirap na kababayan, ‘yung helpless, hopeless at walang matakbuhan,” ang apela ni Go.
Pinasalamatan ng senador ang mga frontline health workers sa kanilang sakripisyo kaya nangako siyang ibibigay ang lahat ng suporta sa mga ito.
“Hindi nababayaran ng kahit ano man ‘yung sakripisyo ninyo sa panahon ngayon. Kaya ipaglalaban ko ang inyong kapakanan. Iyung sinasabi nilang exposed lang ‘yung bibigyan ng risk allowance, napaka-unfair nun! Hindi kami papayag ng ganoon dahil hindi naman natin nakikita ‘yung COVID. Pagpasok mo palang sa ospital, dapat considered exposed kana,” anang senador.