Advertisers

Advertisers

Panawagan ni Isko, dumalaw na sa sementeryo hangga’t maaga

0 252

Advertisers

NANAWAGAN si Manila Mayor Isko Moreno sa lahat ng residente ng lungsod na dumalaw na sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay hangga’t maaga pa at huwag ng maghintay ng last minute upang makaiwas sa pagdagsa ng mga tao sa sementeryo.

Pinapurihan din ng alkalde si Manila North Cemetery Director Yayay Castaneda sa ginawa nitong paggiba sa mga ginawang hagdan na ginagamit upang pagsamantalahan ang mga bumibisita sa sementeryo.

Sa pamamagitan ng Executive Order No. 33, inanunsyo ni Moreno na pansamantalang isasara simula October 29 hanggang November 3, 2021, ang lahat ng public at private memorial parks, cemeteries at columbaries sa Maynila upang maiwasan ang posibleng COVID spreader na pagtitipon.



Sa kanyang ulat kay Moreno, sinabi ni Castaneda na nakakumpiska sila ng pitong hagdan sa pamamagitan ng koordinasyon kay Manila Police District-Station 3 Commander Col. John Guiagui.

Ang mga hagdan ay iniwan na lamang ng mga may-ari nito at winasak din matapos na makumpiska ang mga ito.

Sinabi ni Castaneda sa alkalde na ang mga hagdan na sadyang inilagay sa bakod ng sementeryo upang daanan bilang shortcut ng mga dumadalaw kung saan sinisingil ang bawat isang dadaan ng halagang P50 .

Samantala, sinabi ni Moreno na inanunsyo niya ng mas maaga ang pagsasara pansamantala ng mga cemeteries, memorial parks at columbaries sa siyudad nitong unang bahagi ng September upang himukin ang mga residente na dumalaw sa kanilang mahal sa buhay ng mas maaga.

Gayundin upang mabigyan ng mas maagang panahon ang mga residente na maglinis, mag-ayos ng puntod ng kanilang mahal sa buhay, lalo na sa Manila North Cemetery (MNC) at Manila South Cemetery (MSC), bilang preparasyon sa nalalapit na pagdiriwang ng All Saints’ at All Souls’ Day . Ang MNC ang pikamalaking sementeryo sa bansa at may pinakamalaking record din ng mga dumadalaw tuwing ‘Undas’ na umaabot sa milyong katao.



Inatasan din ni Moreno sina Manila North Cemetery chief Yayay Castaneda, Manila South Cemetery head Jess Payad at Manila Muslim Cemetery chief Dr. Arnold Pangan na siya ring pinuno ng Manila Health Department na tiyaking maipatutupad ang kanyang executive order.

Gayundin naman ay inatasan ng alkade sina Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) chief Arnel Angeles, Department of Public Services (DPS) chief Kenneth Amurao at Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) Director Dennis Viaje na tumulong sa pagpapatupad ng nasabing EO lalo na sa Manila North Cemetery. (ANDI GARCIA)