Advertisers
BINANDERAHAN ng beteranong si Mark Yee ang Homegrown Grains Bocaue para sa 21-16 panalo laban sa ARQ Builders-Cebu sa pagsisimula ng Chooks-to-Go Pilipinas 3×3 Invitational tournament kahapon sa Laus Group Events Centre , San Fernando City sa Pampanga..
Bagama’t lutang ang ang lakas na ipinamalas ng ARQ-Cebu bigmen na sina Frederick Elombi at import Landry Sanjo sa inside play, humirit sa outside shooting ang tropa ni Yee( skipper ng MPBL national champion Davao Occ.COCOLIFE Tigers ) at sa pamamagitan nina Ralph Tansingco at Dennis Santos ay nagawang maitabla ang iskor sa 16-all.
Sa krusyal na sandali ang karanasan ni Yee ang nangibabaw sa naiskor na krusyal basket, tampok ang dalawang free throw mula sa foul ng 6-foot-7 Cameroonain na si Sanjo.
Naka-buwenamano ang Bocaue sa Pool B ng torneo na kinikilala ng FIBA 3×3 at pinapatnubayan ng Games and Amusements Board (GAB) sa pamumuno ni Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra.
Sa iba pang laro, sinandigan ni Joseph Eriobu ang Pacquiao Coffee Bacolod laban sa Pasay Adam Esli Pasay, 22-14, sa Pool A.
Binomba naman ng magkapatid na Ryan at Nikki Monteclaro ng Pasig Kingpins ang Zamboanga, 21-9, sa Pool C action, habang naisalpak ni Marvin Hayes ang game-winning shot sa huling 17.9 segundo sa panalo ng AMACOR Mandaluyong, 21-20 kontra Henry Iloka-led RBR Cabiao Nueva Ecija.
Patuloy ang laro sa quarterfinal hanggang Finals sa torneo na may nakalaang P100,000 para sa kampeon.(Danny Simon)