Advertisers
MAY katwiran na kabahan si Bato dela Rosa sa formal investigation ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa isinampang sakdal na crimes against humanity ni Sonny Trillanes at Gary Alejano noong 2017 laban kay Rodrigo Duterte, Bato, at iba pa na mga kasapakat sa malawakang patayan sa madugo ngunit bigong digmaan kontra droga.
Nakababahalang yugto ito sapagkat may poder ang ICC sa ilalim ng Rome Statute, ang tratado na lumikha sa ICC, na maglabas ng warrant of arrest laban sa mga akusado sa mga sakdal na inihain sa hukumang pandaigdig. Hindi pangkaraniwan na hukuman ang ICC kung ihahambing sa mga nakagisnan natin na mga husgado dito.
Kahit sa estado ng pormal na pagsisiyasat, may kapangyarihan ang ICC na mag-isyu ng arrest warrant. Kahit isa si Bato sa natatanging 24 na kasapi ng Senado, kinakabahan siya sapagkat bukod sa hindi niya alam ang proseso ng ICC, hindi siya tratratuhing santo. Wala siyang paghahanda. Hindi siya nag-aral ng kasaysayan. Masyadong limitado ang kaalaman.
Dahil matindi ang daga sa dibdib, dumulog noong Huwebes si Bato kay Duterte upang sabihin ang saloobin. Mistulang siga sa kanto na nagpayo kay Bato na tumahimik at ituro siya bilang may pananagutan sa maramihang patayan. Sagot kita, ito ang kalatas ni Duterte kay Bato.
Sa ganang amin, mas malakas ng kaba ni Duterte kay Bato. Nakita ang kawalan ng paghahanda kung paano haharapin ang sakdal. Katulad ni Bato, walang kabatiran kung paano dadaloy ang proseso ng ICC. Hindi siya dapat umasa kay Harry Roque at Sal Panelo sa payo at estratehiya. Hindi magaling ang dalawang manananggol. Mga pipitsugin at patapon.
Hindi maikatwiran ni Bato sa ICC na utos ni Duterte ang malawakang patayan at ipinatupad lang niya ang utos ni Duterte. Matagal ng itinapon ang ganyang katwiran. Alam ni Bato na hindi siya pakikinggan ng ICC dahil may mga doktrina na sa international law na hindi tinatanggap ang gasgas na katwiran. Maaaring ibalibag kay Bato ang doktrina ng command responsibility upang papanagutin siya sa mga patayan na ginawa ng kanyang mga tauhan sa PNP.
Sa1945 Nuremberg Trial, hindi tinanggap ng International Military Tribunal ang katwiran ng mga pangunahing lider ng Nazi Germany na sumunod sila sa utos ni Adolf Hitler na ipapatay ang humigit-kumulang anim na milyon na Hudyo at dalhin sa Alemanya at pagtrabahuhin hanggang mamatay ang humigit-kumulang pito at kalahating milyon na manggagawang dayuhan sa mga pagawaan ng armas doon.
“Alam mo naman na ilegal na utos ang magpapatay ng sibilyan. Bakit mo ipinatupad iyon?” ito ang tanong na gumulantang mga sa lider Nazi sa Nuremberg Trial. Libo-libo sa mga lider Nazi ang binitay ng nanalong pwersa. Naging doktrina sa batas ang hindi pagtanggap sa katwiran na iniutos ng mas nakakataas ng pinuno.
Lingid sa kaalaman ni Duterte at mga kasapakat tulad ni Bato, Dick Gordon, Jose Calida, Alan Peter Cayetano, Vitaliano Aguirre, at iba pa, palihim na kumilos ang mga kalaban upang bigyan ng mga datos at ebidensiya ang ICC. Kasama sa mga nagbigay ang namayapang Chito Gascon ng Commission Human Rights (CHR) na nagdokumento ng 2,000 EJKs sa bansa.
Kasama sa proseso ng dokumentasyon ang maraming alagad ng Simbahan at iba’t-ibang NGO na kabilang sa mga nagtataguyod sa usapin ng karapatang pantao sa bansa. Hindi nalalayo ang mga organisasyon pandaigdig na nagtatanggol sa karapatan ng mga Filipino. Maraming larawan, salaysay, at ibang katibayan ang kanilang kinalap at sikretong isinumite sa ICC. Hindi alam ni Duterte ang nangyari pero naisahan siya.
***
HINDI pabor ang kasaysayan sa mga kriminal. Hindi katwiran ang katandaan upang umiwas ang mga mamamatay tao sa hatol ng mga hukuman. Dalawang lider Nazi na nangawala at nagtago sa Timog Amerika sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang pandaigdig ang natagpuan, hininging ibalik sa mga bansang kung saan gumawa sila ng krimen, nilitis, at hinatulan. Dahil wala na ang parusang kamatayan, ibinilanggo sila hanggang mamatay sa bilibid. Sila ay sina Commander Erich Priebke ng SS at Klaus Barbie ng Gestapo.
Nawala parang bula si Priebke pagkatapos ng giyera, tumakas at napadpad sa Timog Amerika, at nagpalit ng pangalan – Otto Kape. Namuhay na malaya sa sumunod na 40 taon si Priebke hanggang ibunyag siya sa isang aklat na isinulat ni Edmund Buch. Hinanap siya ng isang pangkat ng mga mamamahayag na Amerikano at nagbigay ng panayam si Pribke noong 1994 sa ABC kung saan inamin niya na responsable siya sa pagpatay ng 335 Italyano.
Hiningi ng gobyerno ng Italya sa Argentina ang extradition o pagbabalik si Priebke sa Italya upang panagutin sa salang crimes against humanity kahit matanda na siya. Nagkaroon ng matinding labanan sa korte at nagwakas ito sa pagbabalik ni Priebke sa Italya kahit 83 anyos na siya. Nilitis siya ng dalawang beses. Hindi hadlang ang katandaan sa pagpapanagot kay Priebke. Nahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo si Priebke. Namatay siya sa kulungan sa edad na 100 anyos noong 2013.
Nawala sa pagwawakas ng digmaan si Klaus Barbie, ahente ng Gestapo, o secret police ni Adolf Hitler, na responsable sa pagkamatay ng 14,000 na Hudyo. Nang malaman noong 1980 na nasa Bolivia si Barbie, natrabaho ang Francia para sa kanyang extradition. Ibinalik ng Bolivia si Barbie sa Francia at nilitis siya. Iniharap sa kanya ang mga saksi na hindi niya makilala dahil sa tagal ng kanyang pagkawala.
Nahatulan si Barbie ng pagkabilanggo ng habambuhay. Namatay siya sa bilangguan noong 1991. Maliwanag na hindi katwiran ang edad at katandaan upang makaligtas sa paglilitis at hatol ng kasaysayan. May katwiran si Bato dela Rosa na matakot sa daloy ng kasaysayan. Huwag siyang magtaka kung abutan siya at papanagutin sa mga pinatay.
***
QUOTE UNQUOTE: “BBM & Isbo are two sides of the same coin. Include Bato, Mane, & Ping on the edges. The coin of fascism, incompetence, & idiocy.” – PL, nerizen
“Kailangan nating tapakan ang preno at pigilan ang pag-arangkada ng presyo ng gasolina. Kailangan ng mamamayan ng ayuda at proteksyon sa pamamagitan ng fuel subsidy.” – Akbayan First Nominee Perci Cendaña
“Hindi kasalanan ng anak, kung isinoli ng anak. Kaso ang anak ang gumagamit ng mga ninakaw ng ama.” – Aleks Villa, netizen