Advertisers
ISANTABI muna sana ng ating mga presidentiables ang masyadong personalan laban sa isa’t-isa partikular na sa social media at iba pang media outlet.
Hindi pa man nagsisimula ang campaign period ay sobrang maaanghang na mga salita na ang maririnig natin na pinupukol ng mga ito sa kani-kanilang mga kampo.
Harinawa’y makitaan natin sila ng magandang halimbawa ng publiko na bagama’t sila ay magkakatunggali ay may natitira pa ring respeto at paggalang sa makikita sa kanilang pagkatao.
Isang magandang halimbawa nito ay ang pagbati sa sinuman sa anumang okasyon gaya na lamang nang nag-daos si Yorme Isko Moreno ng kanyang kaarawan makakailan. Ano ba naman na batiin man lang siya ng maligayang kaarawan o happy birthday.
Ni isa yatang kapuwa presidentiable niya ay walang bumati sa kanya. Sana naman sa ganito man lang maliit na bagay ay makitaan at maramdaman ang isa’t-isa.
Ang pagbating ito ay senyales lang naman ng pagbi-bigay pugay na di naman nila ikamamatay o magiging kabawasan sa kanilang kandidatura kung kaya’t nasabi nating huwag sanang masyadong mamagitan ang sobrang personalan.
Be a good sport, ika nga na dapat lang magsimula sa kanila at iyon nga ang respeto sa isa’t-isa at siyempre ay nandoon na rin ang kababaan ng loob o humility.
Ito ay simpleng pahiwatig lang na ang kanilang pag-takbo sa pagka Pangulo ng bansa ay para sa kapakanan ng bayan at hindi sa pansarili lang nilang interes.
Magkakaiba lang naman siguro sila ng aspeto sa kanilang nais gawing palakad sa bansa nguni’t siyento porsiyento ay walang maghahangad sa kanila na mapariwara ang sambayanang Pilipino.
Sa simpleng salita ay iwasan muna nila ang mga personalang usapin na nagiging sanhi ng sobrang pamumu-litiko na puno’t-dulo rin naman ng hidwaan at hindi pagkakaintindihan.
Sana’y hanggang sa matapos ang eleksiyon ay maging magkakaibigan pa rin sila na sumasalamin lang na isa silang tunay na lalaki hindi lamang bilang isang politiko.
Matutunan sana nila ang simpleng pagbati sa isa’t-isa sa anumang okasyon huwag lang sa OBITUARY o requiem mass he… he… he… Mas maganda sigurong marinig sila habang buhay pa kaysa isang bangkay na, di po ba?
Vox Populi, Vox Dei… ano man ang nakatakda ay nakatakda dahil THE VOICE OF THE PEOPLE IS THE VOICE OF GOD.
Ngayon pa lang ay binabati ko na kayong lahat… Congratulations and May The Best Man Win…