Advertisers
KAHIT kailan, mali na na ang senador at kongresista na makinig at maniwala dahil wala silang kuwentang mambabatas kung ang kanilang ideya, opinyon at paninindigang ipinapahayag sa midya ay nagmula sa bulong ng taong sinungaling.
Dapat inaalam, sinusuri at pinag-aaralan muna ng senador at kongresista ang impormasyon na ibinulong sa kanya, lalo na kung ang nagbulong ay pulitikong tulisan at pusakal ang mga diskarte sa buhay dahil ang trabaho, tungkulin at obligasyon ng mga senador at kongresista ay gumawa ng mga panukalang batas.
Kailangang kilalanin at sundin ng bawat Filipino kapag naging ganap na batas ang ipinasang panukalang batas ng Kongreso.
Inulit ko uli ang nasabing ideya dahil sa pahayag ni ACT – CIS Rep. Eric Go Yap na nabanggit sa midya tungkol sa bulalas ni Senador Emmanuel “Manny” Pacquiao laban sa bagitong kongresista.
Si Yap ay kinatawan din ng Benguet sa Kamara de Representantes makaraang italaga siya sa nasabing posisyon ng pamunuan ng Kamara.
Hindi ko sana papatulan ang banat ni Yap dahil si Pacquiao naman ay balitang hindi nakagawain ang pag-aalam, pagsusuri at pag-aaral sa mga ideya, konsepto at kaalaman.
Hindi nga raw nakasanayan magbasa ng mga aklat at dokumento ang nasabing boksingrero.
Pokaragat na ‘yan!
Kaya lang, binigyan ko ng pansin at panahon ang mga birada ni Yap kay Pacquia dahil ang huli ay naghahangad maging pangulo ng Republika ng Pilipinas mula Hunyo 30,2022 hanggang Hunyo 30,2028.
Kandidato si Pacquiao sa pagkapangulo sa halalang Mayo 2022.
Kandidato siya ng partido PROMDI.
Ang PROMDI ay itinatag ng minsang naging gobernador ng Cebu na si Lito Osmena.
Ginamit ni Osmena ang PROMDI sa kanyang pagtakbo sa pagkapangulo ng bansa noong 1998, ngunit natalo.
Wala akong makuhang makabuluhang impormasyon tungkol sa PROMDI dahil matagal na itong ‘nanahimik’ at ‘hindi sumali’ sa halalan.
Wala rin akong nakuhang impormasyon tungkol sa kasapian nito.
Bilang kandidato sa pagkapangulo ng bansa, hindi tamang nakikinig si Pacquiao at mga katulad niya na nakikinig at naniniwala sa bulong at kasinungalingan.
Sabi ni Yap: “Hindi maganda ang akusasyon ni Senador Manny Pacquiao sa kanyang pagdalaw sa Benguet kamakalawa dahil malinaw na pawang paninira lamang ng aking pangalan at reputasyon”.
Isa ang Benguet sa pinuntahan ni Pacquiao kamakalawa sa serye ng ginagawa niyang pangangampanya upang ihalal siya ng mga botante sa eleksyon sa Mayo 2022.
Hindi base ni Pacquiao ang Benguet.
Hindi hanga ang mga tao sa Benguet sa pagiging senador ni Pacquiao dahil hindi masipag na mambabatas ang senador.
Dinumog si Pacquiao sa Benguet dahil namigay siya ng maraming pera bilang tulong sa mamamayan.
Ngunit, inihayag ni Pacquiao na hindi raw pamimili ng boto ang pamimigay niya ng pera sa mga tao.
Pokaragat na ‘yan!
Idiniin ni Yap ba: “Ang mga pahayag ni Pacquiao ay katulad na katulad sa mga akusasyon ng aking mga katunggali sa pulitika ng lalawigan”.
“Napakalinaw na ang mga akusasyon ng senador ay ibinulong sa kanya ng aking mga kalaban sa pulitika sa naunang pagtungo niya sa lalawigan kung saan paspasang niyang inihayag sa kanyang interbyu sa media.
Hindi ako magbibigay ng komentaryo tungkol sa kanyang kakayahan na pag- ibahin at paghiwalayin ang katotohan mula sa kasinungalingan, ngunit hindi ko palalampasin ang kanyang mga binitawang salita na walang kaduda-dudang sadya niyang ginawa upang makakabig at makaakit ng suporta para sa halalan”, patuloy ni Yap.
“Pakiusap lang na huwag mo akong gamitin bilang isa sa iyong “publicity stunts”.
What is unfathomable here is the fact he has a conclusion in mind already.
May bumulong siguro na “Si Congressman Tap po ang may kasalanan d’yan” at nagkasya na siya d’yan,” bigwas ng kongresista.
Pokaragat na ‘yan!
Inihayag pa ni Yap kay Pacquiao na: “Sabi n’ya meron daw P9 bilyon na halaga ng proyekto na sinasabing fully -implemented na, ngunit ang alam niya 25% completed pa lang?”
Dahil sa pahayag na ‘yan, naguluhan si Yap kay Pacquiao.
Ganito ang patuloy na bulalas ng kongresista: “Is that a question I should answer?”
“Ako ba ang nagsabi na fully-implemented ang mga proyekto? Hindi ba’t pananagutan ‘yan ng implementing agency ng proyekto? , susog ni Yap.
Hiling ni Yap sa senador ay: “Hinihikayat ko ang butihing senador na huwag magpadalus-dalos sa kanyang mga binabanggit sa media. Huwag siyang magpagamit sa aking mga political opponent upang maikalat at isubo ang mga pampulitikang interes ng huli sa mamamayan ng Benguet.”
“Dapat alam mo kung kailan ginagamit ang isang tao bilang sandata ng ibang tao na walang hinangad sa buhay, kundi kasakiman sa pansariling interes, “ ratsada pa ni Yap.