Advertisers
KUMUSTA na ang House of Representatives? Bakit wala tayo masyadong naririnig mula sa ating mga “honorable” congressmen sa loob ng mahaba-haba naring panahon? Parang walang ganap? Maliban na lamang sa kanilang pagkupkop sa isa sa mga opisyal ng Pharmaly Corporation dahil sa kontrober-syang hinaharap nito sa Senado.
Wala rin tayong naririnig mula mismo sa lider ng Kamara. Ano ba ang updates sa Bayanihan 3? Ano na ang bago sa tinatalakay ngayon na 2022 national budget? At ano ang ginagawa ng Kamara para matulungan ang sanlaksa nating kababayan na iginupo ng pandemyang COVID-19?
Napapansin nyo ba si Speaker Lord Allan Velasco lang yata ang speaker na ‘di nagsasalita? Ginagawa na nga lang daw minsan na tsismisan at bulong-bulungan si Speaker Lord sa apat na sulok ng kamara dahil sa pagiging tahimik nito maski sa mga pambansang usapin at mga bagay na dapat na naririnig ang kanyang boses. ‘Yung para bang wala siyang opinion sa mga bagay na nagyayari sa ating bansa. Di ba dapat kahit papaano ay ma-ging pro-active naman ang ating mga lider lalo na ang kamara dahil kinakatawan ng mga kongresista ang bawat sulok ng ating bansa?
Kaya hindi nakapagtataka na kulelat na naman si Speaker Lord sa isang survey na isinagawa para sa limang matataaas na opisyal ng bansa. Sa survey ng Publicus Asia nitong October 11-18, 2021. sa 1,500 respondents, lagapak na naman ang approval at trust ratings ni Velasco. Nanguna sa survey si Duterte na may 59.8% approval rating at 52.9% trust rating, sinundan ni VP Leni Robredo na may 31.3% approval rating at 22.1% trust rating, Senate President Tito Sotto (33.9% approval rating at 19.8% trust rating), Chief Justice Gesmundo (24.2% approval rating at 14.6% trust rating), ang panghuli si Speaker Lord (23.9% approval rating at 12.1% trust rating).
Ang sama ng ratings ni Lord noh? Tsk tsk tsk…
Sa katunayan, consistent ang pagdausdos ng trust ratings ni Velasco sa mga survey na isinagawa ng Publicus Asia mula nang umupo ito bilang Speaker of the House. Pababa nang pababa ang rating nito mula sa mga quarterly survey na isinagawa Dec. 2020, March 2021, July 2021 at ito Oktubre.
‘Di mo tuloy maiwasang ikumpara ang performance ng Kamara kumpara sa liderato ni dating Speaker Alan Peter Cayetano na ngayon ay tina-target ang pagbababalik sa Senado sa 2022.
Sa panahon lang naman kasi ni Cayetano nakapagtala ang Kamara ng napakataas na rating bilang isang institusyon at ma-ging si Cayetano na nakakuha ng 80% performance rating at 76% trust rating sa Pulse Asia survey.
Kung sinasabi ng mga kaalyado ni Speaker Lord na collective effort nila ang magandang performance ng kamara noong panahon ni Cayetano, ibig bang sabihin collective effort din nila ang pagbagsak at pagsadsad ng imahe ng Kamara at ni Spkr. Lord? Nagtatanong lang po.
Bumuhos din ang mga “1st time” na mga hakbang sa Kamara sa liderato ni Cayetano, gaya ng pag-imbita sa iba’t ibang sector at magbahagi ng kanilang pahayag sa pagtalakay ng national budget. Pinauso din ng kamara ang virtual meetings at hearings dahil sa kasagsagan ng pandemya. Hinarap din nito ang matinding hamon na dulot ng COVID-19 kaya isinabatas ang Bayanihan 1 and 2 para maabatan ang pangangailangan ng taumbayan. Higit sa lahat, isinagawa rin ng Kamara sa ilalim ng Cayetano leadership ang kauna-uanahang sesyon nito na labas sa compound ng kongreso, ginawa ang sesyon sa Batangas na dinaluhan ng halos lahat ng kongresista upang madinig ng personal ang hinaing ng mga nabiktima ng pagputok ng Bulkang Taal.
Kaya nga talagang totoo ang kasabihan na kung ano man ang ibigay mong pagpapakilala sa iyong kapabilidad at kakayahan sa tao, ‘yun din ang pagkilalang ibabablik sa iyo pagdating ng panahon. Mismo!